Karapatan ‘wag ipagkait, inosente ay palayain
- BULGAR
- Jan 25
- 5 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 25, 2025
ISSUE #342
Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang katarungan? Noong unang panahon, may punto na ang katarungan diumano ay “Mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Sa ilang pagkakataon naman ay kapag may nakulong o naparusahan ng kamatayan.
Ayon kay St. Thomas Aquinas, ang katarungan ay isang birtud na nagbibigay-daan sa atin na dapat ipagkaloob sa bawat tao ang karapatan, kung ano ang nararapat sa bawat tao at kung ano ang nararapat na matanggap ng bawat tao. Sa madaling salita, isa sa kahulugan ng katarungan ay ang pagbibigay ng nararapat.
Katulad sa nabanggit, ang katarungan o hustisya sa tunay nitong kahulugan ay katumbas ng pagpapataw ng tamang kaparusahan sa nagkasala at pagpapalaya naman sa inosente.
Ang ganitong sitwasyon o kalagayan ay nakakatulong sa pagbibigay ng pagkakataon sa akusado (napatunayang inosente o nagkasala at nabilanggo man) na tiyak na makakabalik sa kanilang tahanan o pamayanang pinagmulan ng may natitira pang dangal sa kanyang katauhan.
Sa kasong People v. Palaran (CA-G.R. CR No. 019) sa panulat ni Honorable Associate Justice Loida S. Posadas-Kahulugan ng Court of Appeals, Cagayan De Oro City, na may entry of judgment noong ika-17 ng Pebrero 2022, ating tingnan kung paano nagampanan ng nabanggit na hukuman ang layunin nito kaugnay sa kaso ng pagpaslang o murder, na kinaharap ng dalawa sa ating mga kliyente na itatago na lamang natin sa mga pangalang “Borgie”, at “Jessie”.
Bilang pagbabahagi, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig. Alinsunod dito, noong ika-12 ng Marso 2012, sa pamamagitan ng pagsasabwatan, aniya ay pinatay nila Borgie at Jessie ang biktima na itatago na lamang natin sa pangalan na “Regina”, isang ginang na higit 60-anyos. Ang pagpaslang ay ginawa sa pamamagitan ng maraming saksak. Walang direktang nakasaksi sa akto ng pagpaslang, subalit ayon sa mga kapitbahay ng biktima at siyang tiyahin mismo ng isa sa akusado na si Borgie na itatago na lamang natin sa pangalan na “Amelya”, inamin daw ni Borgie sa kanya sa pamamagitan ng isang tawag sa telepono ang pamamaslang kay Aling Regina.
Kaugnay sa nabanggit na pag-amin, isinumbong ni Amelya sa kapulisan si Borgie.
Dalawang araw ang makalipas, nakatakdang magkita si Borgie at ang tiyahin niyang si Amelya para sana bigyan ng perang pamasahe si Borgie.
Lingid sa kaalaman ni Borgie, may mga kapulisan na sa lugar kung saan nakatakda silang magkita at du’n din siya naaresto. Sa kabilang banda, kasamang nadakip si Jessie sa kadahilanan na siya ay itinuro ni Borgie bilang kasabwat diumano nito.
Kinasuhan ng kasong pagpaslang o murder sina Borgie at Jessie. Samantala, iginiit nila na walang basehan ang akusasyon laban sa kanila.
Pinabulaanan ni Borgie ang naturang pag-amin kay Amelya. Idinagdag pa ni Jessie na hindi naman siya dapat masasama sa mga naaresto kung hindi sila nagkasamang mag-basketball ni Borgie at idinawit lamang siya umano nito.
Matapos ang paglilitis, nahatulan ng murder o pagpaslang ng Regional Trial Court o RTC ang dalawang akusado. Binigyan ng malaking timbang ng hukuman ang salaysay ni Amelya.
Aniya ito ay malinaw, detalyado at buo. Bukod pa rito, ang pagturo niya sa kanyang pamangkin ay malinaw na akma ng may pagmamahal, dahil walang nakikitang masamang motibo ang RTC para idiin ni Amelya ang pamangkin nitong si Borgie sa mabigat na paratang ng pagpaslang, kung hindi para lamang makatulong na mapanagot ito sa kanyang sariling pagkakasala. Sa kaugnay na isyu, ayon sa RTC, napatunayan din ang pagsasabwatan ni Borgie at Jessie. Kaya nararapat din na mahatulan si Jessie.
Dagdag pa ng RTC, ang pamamaslang diumano ay ginamitan ng abuse of superior strength na siyang nagkuwalipika sa kaso ng pagpatay o murder. Matanda na ang biktima, babae, at dalawa pa silang lalaking salarin.
Inapela nila Borgie at Jessie sa Court of Appeals ang naging hatol sa kanila sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Jan Edgar J. Rubico, mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao.
Tulad ng ating unang nabanggit, pinal na tinuldukan ang isyu ng pamamaslang ng Court of Appeals nang magkaroon ito ng entry of judgment noong ika-17 ng Pebrero 2022.
Sa nasabing kaso, napawalang-sala si Jessie, habang napababa naman sa homicide ang kasong murder ni Borgie.
Sa pananaw ng Court of Appeals, bagaman ipinagtibay nito ang konbiksyon ni Borgie, hindi raw napatunayan ang tinatawag na “abuse of superior strength” na siyang magkuwalipika sa kaso ng pagpatay o murder.
Ayon sa People v. Bacares, sinabi ng Korte Suprema upang maturing abuse of superior strength ang qualifying circumstance sa murder, nararapat diumano na maipakita na sinadya at may kamalayan na ginamit ito ng salarin.
Ang katibayang meron ang dalawang salarin laban sa isang biktima ay hindi sapat upang maituring ang nasabing qualifying circumstance sa murder. Kailangan ding patunayan na ginamit ang advantage na ito, o kalamangan sa paggawa ng krimen o pamamaslang.
Sa madaling salita, hindi sapat na sabihin lamang na meron dalawang lalaki laban sa isang babae upang maituring na advantage, kailangan ding maipakita na nagamit ang nasabing advantage sa paggawa ng krimen.
Sa kasong ito, bagaman sapat ang ebidensiya upang ituro na pinaslang ni Borgie si Regina, batay sa salaysay ni Aling Amelya, hindi naman naipakita kung nagamit nga ba ang nasabing kalamangan ng lakas, sapagkat walang nakakita ng pagpaslang dahil ang konbiksyon ay batay sa mga napatunayang ebidensiyang sirkumstansiya.
Sa kabilang banda, pinawalang-sala naman ng Court of Appeals si Jessie. Bagaman ang pag-amin ni Borgie sa kanyang tiyahin na si Amelya ay maaaring magamit laban sa kanya, ang aniya naman ay pag-amin at pagdawit ni Borgie kay Jessie sa kaso sa mga kapulisan ay hindi magagamit.
Ayon sa Court of Appeals, alinsunod sa tinatawag na res inter alios acta rule, ang karapatan ng isang partido na hindi maaaring mapasama o ma-prejudice sa pamamagitan ng mga akto, deklarasyon o pagkukulang ng ibang tao.
Sa madaling salita, ang extra-judicial confession diumano ni Borgie sa kanyang tiyahin na si Amelya ay umiiral lamang sa kanya at hindi maaaring magamit sa kanyang kapwa akusado na si Jessie.
Bagaman isang exception sa res inter alios acta rule ang tinatawag na admission made by a conspirator rule, upang matagumpay na maituring ito, kinakailangan muna ng ebidensiya ng pagsasabwatan o conspiracy bukod sa nasabing akto o deklarasyon ng pag-amin ni Borgie.
Kaugnay nito, bukod sa pagtuturo ni Borgie kay Jessie, wala nang ibang ebidensiya na maaaring magpatunay sa naturang sabwatan o conspiracy sa pagitan nilang dalawa. Dahil dito, hindi napatunayan ang pagsasabwatan at higit sa lahat, ang partisipasyon ni Jessie sa pagkamatay ni Regina.
Sa kabuuan, bagama't ikinalulungkot na ang isang buhay ay nawala, ang katarungan sa totoong kahulugan nito ay hindi maaaring pahintulutan ang labis na kaparusahan, at higit sa lahat – ang pagkakakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa pagdawit at pag-amin ng ibang tao.
Ang kasong ating naibahagi ay pagpapaalala na hindi maaaring pahintulutan ang labis na kaparusahan sa nagkasala at pagkakulong naman sa isang taong inosente kung layunin nating hindi mailibing sa hukay ang katarungan at katwiran.
Comments