top of page
Search

Karapatan sa paternity benefit ng manggagawa sa pribadong kumpanya

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 4, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kasalukuyang nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya ang aking asawa. Nag-apply siya ng paternity leave sapagkat ako ay nanganak sa aming panganay na anak. Subalit, hindi ito inaprubahan ng kanyang kumpanya. Legal naman kaming kasal at nakatira sa iisang bahay, pero ayon sa kanyang kumpanya, hindi sila nagbibigay ng ganitong benepisyo. Tama ba iyon? — Caroline


 

Dear Caroline, 


Ang layunin ng paternity leave ay mabigyan ng pagkakataon ang mga ama ng sapat na oras, upang makasama ang kanilang mga bagong silang na anak, at magbigay ng suporta sa kanilang mga asawa sa panahon ng panganganak.


Upang sagutin ang iyong katanungan, ang batas na tumutukoy sa paternity leave sa ating bansa ay ang Republic Act (R.A.) No. 8187 o mas kilala bilang Paternity Leave Act of 1996, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


SEC. 2. Notwithstanding any law, rules and regulations to the contrary, every married male employee in the private and public sectors shall be entitled to a paternity leave of seven (7) days with full pay for the first four (4) deliveries of the legitimate spouse with whom he is cohabiting.  The male employee applying for paternity leave shall notify his employer of the pregnancy of his legitimate spouse and the expected date of such delivery.


For purposes of this Act, delivery shall include childbirth or any miscarriage.”


Ang paternity leave ay isang pribilehiyong ibinibigay sa mga lalaking manggagawa, kung saan binibigyan sila ng pagkakataong lumiban sa trabaho sa loob ng pitong araw, na may katumbas na kabuuang sahod para sa mga araw na ito. 


Sang-ayon sa nabanggit na batas, upang maging kuwalipikado para sa pribilehiyong ito, kinakailangan na kasal ang mga lalaking manggagawa sa kanilang mga asawa at sila ay nakatira sa iisang bubong. Bukod pa rito, ang benepisyong ito ay maaari lamang gamitin sa unang apat na panganganak o pagkakunan ng kanilang asawa. Ang pribilehiyong ito ay ibinibigay sa lahat ng manggagawa, maging nasa pribado o pampublikong sektor man at anuman ang kanilang estado sa kanilang trabaho.  


Nakalahad naman sa Section 5 ng nasabing batas na: 


“SEC. 5. Any person, corporation, trust, firm, partnership, association or entity found violating this Act or the rules and regulations promulgated thereunder shall be punished by a fine not exceeding Twenty-five thousand pesos (P25,000) or imprisonment of not less than thirty (30) days nor more than six (6) months.


If the violation is committed by a corporation, trust or firm, partnership, association or any other entity, the penalty of imprisonment shall be imposed on the entity’s responsible officers, including, but not limited to, the president, vice-president, chief executive officer, general manager, managing director or partner directly responsible therefor.”


Ayon dito, ang paglabag sa nasabing batas ay may karampatang kaparusahan na multa na hindi bababa sa P25,000.00 o pagkakakulong nang hindi bababa sa 30 araw ngunit hindi tatagal sa anim na buwan. 


Samakatuwid, sapagkat kayo ay legal na kasal ng iyong asawa at nagsasama sa iisang bubong, nararapat lamang na ang iyong asawa ay pagkalooban ng paternity leave benefit ng kanyang kumpanya kaugnay ng iyong panganganak sa inyong panganay. Ang hindi nila pagsunod dito ay maaaring magkaroon ng kaparusahan sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page