ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 7, 2024
Dear Chief Acosta,
Nitong mga nakaraang araw ay napapansin ko ang madalas na pag-iyak ng mga batang anak ng aking kapitbahay na bunsod ng pagpalo ng kanilang mga magulang. Minsan, kahit nasa labas kami ng kanilang bahay ay nakikita pa rin namin ang ginagawang ito, na kadalasang sinasamahan ng mga masasakit na salita at pagmumura. Labis akong naawa sa mga bata dahil ito ay nagaganap sa harap ng iba pang mga kapitbahay na nagdudulot ng pagkapahiya sa kanila. Ito ba ay saklaw pa rin ng karapatan ng mga magulang na magdisiplina o ito ay isang anyo na ng pang-aabuso sa mga bata? — Lester
Dear Lester,
Ang mga magulang ay may natural na karapatan at pananagutan sa kanilang mga anak. Ito ay sumasaklaw sa pag-aalaga at pagpapalaki sa mga ito kaakibat ang pagpapaunlad sa kanilang moralidad, karakter, mental at pisikal na pagkatao. Upang ito ay maisakatuparan, ang mga magulang ay maaaring gumamit ng iba’t ibang pamamaraan na tulad ng pagsaway at pagpalo kung ito ay kinakailangan upang masuheto ang kanilang mga anak. Subalit, ang pagbuhat ng kamay sa mga anak ay hindi maaaring gawin sa paraan na labis-labis na maaaring makasama sa mga anak. Ngunit paano nga ba masasabi kung ang pagpalo ay nararapat pang paraan ng pagdisiplina o isa ng anyo ng pang-aabuso sa mga bata?
Sa isang kaso na dinesisyunan ng Kataas-taasang Hukuman, dito ay ipinaliwanag ng Korte Suprema ang Republic Act (R.A.) No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, sa Van Clifford Torres y Salera vs. People of the Philippines (G.R. No. 206627, January 18, 2017, sa panulat ni Kagalang-galang na Senior Associate Justice Marvic Leonen) na:
Under Section 3(b) of the Republic Act No. 7610, child abuse is defined, thus:
Section 3. Definition of Terms.
….
(b) “Child abuse” refers to the maltreatment, whether habitual or not, of the child which includes any of the following:
(1) Psychological and physical abuse, neglect, cruelty, sexual abuse and emotional maltreatment;
(2) Any act by deeds or words which debases, degrades or demeans the intrinsic worth and dignity of a child as a human being;
(3) Unreasonable deprivation of his basic needs for survival, such as food and shelter; or
(4) Failure to immediately give medical treatment to an injured child resulting in serious impairment of his growth and development or in his permanent incapacity or death. (Emphasis supplied)
As can be gleaned from this provision, a person who commits an act that debases, degrades, or demeans the intrinsic worth and dignity of the child as a human being, whether habitual or not, can be held liable for violation of Republic Act No. 7610.
Although it is true that not every instance of laying of hands on the child constitutes child abuse, petitioner’s intention to debase, degrade, and demean the intrinsic worth and dignity of a child can be inferred from the manner in which he committed the act complained of.”
Upang malaman kung ang isang aksyon ay masasabi na bang pang-aabuso sa bata ay marapat na tingnan ang kabuuan ng pangyayari lalo na ang pamamaraan kung paano ito ginawa. Kung ito ay nakakapagpababa, nakakapanghamak at nakakasira sa pagkataong-loob at dignidad ng isang bata kahit na ito ay minsanan o palagiang ginagawa ay maituturing na itong pang-aabuso sa bata. Gaya halimbawa sa inyong nasaksihan ang pagpalo, pagbibitaw ng masasakit na salita at pagmura sa harap ng maraming tao ng paulit-ulit ay pawang nakakahiya at nakaka-trauma na pangyayari sa isang bata na makokonsidera bilang isang pang-aabuso sa bata.
Ang pagdisiplina ng magulang sa mga anak ay mahalaga ngunit marapat na ito ay gawain sa paraan kung saan magtatanda at matutunan ng bata ang leksyon na dapat niyang mabatid, hindi sa paraan kung saan siya ay mahahayag sa kahihiyan o takot na maaari pang makasama imbes na makabuti sa kanya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
תגובות