top of page
Search
BULGAR

Karapatan sa kalusugan at nutrisyon ng mga ina at mga sanggol

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 25, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Nakapaloob sa polisiya ng Republic Act (R.A.) No. 11148 o ang tinatawag na “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” na ang karapatan sa kalusugan ay isang pangunahing prinsipyo na ginagarantiya ng Estado. 


Ang Seksyon 15, Artikulo II ng ating Saligang Batas (1987 Constitution) ay nagbibigay-diin na, “Ang Estado ay mangangalaga at magtataguyod ng karapatan sa kalusugan ng mga tao at magtanim ng kamalayan sa kalusugan sa kanila”.  


Higit pa rito, alinsunod sa iba’t ibang internasyonal na mga instrumento ukol sa karapatang pantao at mga kasunduan na sinusunod ng Estado, ginagarantiyahan ng Estado ang karapatan sa sapat na pagkain, pangangalaga at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, kabilang ang mga kabataang babae, kababaihang nasa reproductive age, at lalo na ang mga sanggol na hanggang dalawang taong gulang. 


Sa pagtalima sa polisiyang ito, pinaninindigan ng Estado na ang pagtiyak ng malusog na pamumuhay, pagtataguyod ng kagalingan, pagwawakas sa kagutuman at kawalan ng pagkain, at pagkamit ng mabuting nutrisyon para sa lahat ay mahalaga sa pagtatamo ng tuluy-tuloy na pag-unlad. 


Para sa layuning ito, pinalawak ng Estado ang mga intervention programs para sa nutrisyon sa unang isang libong araw ng buhay ng isang bata, at naglalaan ng mga mapagkukunan ng paraan upang mapabuti ang katayuan sa nutrisyon at para matugunan ang malnutrisyon ng mga sanggol at maliliit na batang hanggang dalawang taong gulang, kabataang babae, buntis at nagpapasuso, gayundin upang matiyak ang paglaki ng mga sanggol at maliliit na bata. 


Sinasaklaw ng batas na ito ang mga nutritionally-at-risk, lalo na ang mga buntis at nagpapasuso, partikular na ang mga teenager na ina, kababaihang nasa reproductive age, kabataang babae, at lahat ng batang Pilipino na bagong silang hanggang 24 na buwan. Ang prayoridad ay dapat ibigay sa mga naninirahan sa disaster-prone areas at geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA), tulad ng mga lugar na nakahiwalay dahil sa distansya, kawalan ng paraan sa transportasyon, at mga lagay ng panahon, mga komunidad na hindi nabibigyan o kulang sa serbisyo at iba pang mga lugar na natukoy na may mataas na saklaw ng kahirapan, mga taong kabilang sa mahinang sektor, mga komunidad o bumabawi mula sa sitwasyon ng krisis o armadong labanan at kinikilala bilang ganoon ng isang katawan ng gobyerno.


Ang Department of Health (DOH), sa pakikipag-ugnayan sa National Nutrition Council (NNC), ang Department of Agriculture (DA), ang mga local government units (LGUs) at iba pang kinauukulang national government agencies (NGAs), ay may responsibilidad sa pagpapatupad ng batas na ito. 


Ito ay dapat ipatupad sa antas ng barangay sa pamamagitan ng rural health units at/o barangay health centers, sa pakikipag-ugnayan sa Sangguniang Barangay. Ang mga barangay nutrition scholars (BNS) at barangay health workers (BHWs) ay dapat pakilusin at bigyan ng mga pangangailangan at benepisyo upang maisagawa ang kanilang mga gawain. Hinihikayat ang mga LGUs na isama ang mga programang pangkalusugan para sa mga ina, bagong panganak, at bata sa mga planong aksyon ukol sa nutrisyon at kalusugan.


Ang NNC at iba pang kinauukulang NGAs ay dapat magbigay ng angkop na teknikal na tulong sa kani-kanilang mga katuwang sa LGU para sa pagbuo, pagbalangkas, at pagpapatupad ng batas na ito. 


Layunin ng batas ang magbigay ng komprehensibo at multi-sectoral na istratehiya at pamamaraan upang matugunan ang mga problema sa kalusugan at nutrisyon ng mga bagong silang na sanggol, maliliit na bata, mga buntis at nagpapasusong ina, at mga kabataang babae, pati na rin ang mga multi-factorial issues na negatibong nakakaapekto sa pag-unlad ng mga bagong silang, sanggol at maliliit na bata. 


Kasama sa programa ang mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, at mga interbensyon na ibinibigay sa iba’t ibang yugto ng buhay. Ang mga LGUs, NGAs, angkop na civil society organizations, at iba pang mga stakeholders ay dapat magtulungan upang matiyak ang paghahatid ng mga sumusunod na serbisyo at interbensyon:


  1. Pre-natal services sa loob ng prenatal period [unang dalawang daan at pitumpong (270) araw]; 


  1. Serbisyong para sa babaeng manganganak sa loob ng postpartum period katulad ng pagtukoy ng mga itinuturing na high-risk newborns, premature, maliit para sa gestational age (SGA), at mga batang mababa ang timbang, at magbigay ng preventive interventions para mabawasan ang kumplikasyon na dulot ng prematurity o low birth weight; at


  1. Serbisyong pangkalusugan at nutrisyon sa pasilidad at antas ng komunidad para sa mga nagpapasusong ina at sa anak nito.


Ang mga lugar na apektado ng mga sakuna ay dapat unahin sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, at mga interbensyon sa mga serbisyong psychosocial. Ang mga NGAs at LGUs ay inaatasan na agad na magbigay ng mga emergency services, mga suplay ng pagkain para sa wastong pagpapakain ng mga buntis at nagpapasusong ina, at mga bata, partikular sa mga bagong silang na sanggol hanggang dalawang taong gulang. Ang mga lugar na pambabae, sanggol at bata ay dapat ihanda at handang tumanggap ng mga kababaihan at kanilang mga anak, magbigay ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, damit, malinis na tubig, at tirahan; madaling magagamit na suporta at pagpapayo sa pagpapasuso para sa mga may mga anak hanggang dalawang taon o higit pa, gayundin ang pagbibigay at gabay sa naaangkop na pantulong na pagkain para sa mga batang mahigit anim na buwang gulang.


Subalit sa panahon ng sakuna, ang mga donasyon ng milk formula, breastmilk substitutes, at/o mga produkto na sakop ng Milk Code ay ipinagbabawal ng walang angkop na pag-apruba ng Inter-Agency Committee (IAC) na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 51, Series of 1986, upang maprotektahan ang kalusugan at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasuso, at mga sanggol at maliliit na bata bago, habang at pagkatapos ng sakuna.




Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page