top of page
Search
BULGAR

Karapatan ng mga “Prisoners of war”

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 15, 2023


Sa gitna ng kaguluhang nangyayari sa ilang mga bansa sa ngayon, marapat na maintindihan ng lahat na kahit sa isang kaguluhan o digmaan ay may mga alituntuning dapat sundin at mga karapatang dapat na igalang.


Sa buwang ito ay tatalakayin at ipaaabot ng inyong lingkod, ang mga alituntunin at karapatan ng bawat bansang nasa digmaan. Isa sa mga alituntunin at karapatan na ito ay nakapaloob sa “Geneva Convention relative to the Treatment of Prisoners of War” (Convention).


Ang mga “prisoners of war” ay mga miyembro ng sandatahang lakas (kabilang ang kanilang civilian support) grupong militia, crew ng sibilyan na eroplano o barko, at maging ang mga sibilyang residente ng lugar na lumaban nang sila ay sakupin, na nasa mga kamay ng kalaban. Sila ay responsibilidad ng bansa o grupong humuli sa kanila at hindi lamang ng mga indibidwal o sundalo na nakahuli sa kanila. Kahit ano pa man ang indibidwal na tungkulin ng mga nakahuli ng mga nasabing prisoners of war, ang Detaining Power o ang nakahuli sa kanila ang magiging responsable para sa magandang pagtrato sa kanila.


Ang isang prisoner of war ay maaari lamang ilipat ng Detaining Power sa iba na dapat ay partido rin sa Convention matapos na masiguro ng nasabing Detaining Power sa sarili nito sa pagsang-ayon at abilidad ng partidong paglilipatan na ipatupad ang Convention.


Kapag ang isang prisoner of war ay nailipat sa ganoong sirkumstansya, ang responsibilidad para sa pagpapatupad ng Convention ay maililipat din sa partido o may kapangyarihang tumanggap sa nasabing prisoner of war habang siya ay nasa kustodiya nito. Magkaganoon man, kung hindi maipatutupad ng bagong may hawak sa prisoner of war ang alinman sa mga importanteng aspeto ng Convention, ang naunang Detaining Power, pagkatapos maabisuhan ng Protecting Power (karaniwan ay isang itinalagang neutral na bansa), ay gagawa ng hakbangin para maitama ang sitwasyon o hilingin na maibalik na lamang ang prisoner of war. Ang nasabing hiling ay kinakailangang mapagbigyan.


Ang isang prisoner of war ay dapat na palagiang tratuhin nang makatao. Anumang gawaing labag sa batas ng Detaining Power na naging dahilan ng pagkamatay o naging sanhi ng panganib sa kalusugan ng isang prisoner of war na nasa kustodiya nito ay ipinagbabawal at itinuturing na paglabag ng Convention.


Walang prisoner of war ang maaaring pagdanasin ng pisikal na pagputol, medikal o anumang siyentipikong pag-aaral na hindi binibigyan ng katwiran ng medikal, dental o hospital na panggagamot sa nasabing prisoner of war.


Ang mga prisoners of war sa lahat ng oras ay dapat na maprotektahan laban sa pananakot o anumang bayolenteng pagtrato at pang-iinsulto. Sa lahat ng pagkakataon, ang isang prisoner of war ay dapat na mabigyan ng respeto at karangalan. Ang mga babaeng bihag ay marapat na matrato nang may pagsaalang-alang sa kanilang kasarian at sa lahat ng oras ay makinabang sa magandang pagtrato katulad ng mga kalalakihan.


Lahat ng prisoners of war ay kinakailangang mabigyan ng magandang pagtrato ng Detaining Power, ayon sa probisyon ng Convention nang walang salungat na pagtatanggi base sa lahi, nasyonalidad, paniniwalang panrelihiyon, at pulitikal na paniniwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page