ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 30, 2025

Ang magkaroon ng sariling tahanan ay isa sa mga pangarap ng pamilyang Pilipino. Ngunit minsan ang magandang kapalaran ay sadya namang mailap kahit sa isang taong nagsisikap. Kadalasan, nang dahil sa kagustuhang magkaroon ng sariling matitirhan ay naghahanap sila ng bakanteng lote na pag-aari ng gobyerno at doon sila nagtitirik ng kanilang mga mumunting bahay.
Hindi alintana ng mga taong ito na hindi sa kanila ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay dahil ang mahalaga sa kanila ay may pagsisilungan sila ng kanilang pamilya.
Nakatala sa ating Saligang Batas (Article 13, Section 9 and 10, 1987 Philippine Constitution) ang mga sumusunod:
SEK. 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.
SEK. 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.
Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.
Bagama’t ang mga taong iskwater ay tunay ngang walang karapatan na ariin ang isang bagay na sa umpisa pa lang ay alam nilang hindi sa kanila, mayroon din naman silang proteksyon na ipinagkakaloob ng batas. Sa nabanggit na probisyon sa itaas na kahit na hindi sila ang lehitimong may-ari ng lupang kanilang tinitirhan ang mga taong iskwater ay binibigyan pa rin ng batas ng karapatan na makaalis nang maayos. Hindi sila maaaring paalisin sa kanilang tinitirikang lupa o ang kanilang bahay ay gibain maliban kung ito ay naaayon sa batas at isinagawa sa makatarungan at makataong paraan.
Sinabi ng Korte Suprema sa kaso ng People vs. Leachon, Jr., 296 SCRA 163, sa panulat ni Honorable Associate Justice Fidel Purisima, na ang kahulugan ng terminong “in accordance with law” at “just and humane manner,” bilang pagbibigay sa taong paalisin ng kanyang oportunidad para salungatin ang alegasyon na ang kanyang posisyon at pamamalagi sa kuwestiyunableng ari-arian ay labag sa batas o kontra sa kagustuhan ng may-ari ng nasabing ari-arian. At kung mapatutunayan na ang pagkakatira ay labag sa batas o hindi legal, ang taong nakatira roon ay masasabihan o mabibigyan ng babala bago ang aktuwal na pagpapaalis o demolisyon. Pasisiguruhan din na walang karahasan na maaaring magdulot ng pagkawala o kamatayan ng isang tao, pinsalang pisikal o pagkasira ng mga ari-arian.
Kung ating susumahin, bagama’t ang isang may-ari ng lupa ay may karapatan sa ilalim ng batas na protektahan ang kanyang pag-aari laban sa mga umuokupa nito nang wala ang kanyang pagsang-ayon at paalisin ang mga ito mula sa kanyang pag-aari, marapat na malaman niya na kinakailangang dumaan ito sa tamang proseso at may pagrespeto sa karapatan ng mga taong iskwater.
Ang nakaambang panganib ay laging dapat na isaalang-alang upang maiwasan ang gulo na maaaring mapunta sa pagdanak ng dugo.
Comments