ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 24, 2024
Marami sa ating mga kababayan ang dumudulog sa aming tanggapan upang humingi ng tulong laban sa mga naniningil ng kanilang pagkakautang sa kanilang credit cards at maging ng kanilang mga utang na kinuha nila online.
Aminado naman ang mga ito na sila nga ay nagkautang gamit ang credit card na ibinigay sa kanila ng mga bangko bilang credit card companies at ng iba pang financial institutions na nagpapautang na may interes. Subalit ang hinihiling lamang nila, sila ay bigyan din ng konsiderasyon at kaukulang respeto ng mga ito sa pagkakataong hindi nila nabayaran sa takdang panahon ang kanilang mga pagkakautang.
Magsilbi sanang paalala ang limbag na ito sa mga may credit cards na maging responsable sa paggamit nito sapagkat malaki talaga ang interes na ipinapataw ng mga ito. Kaya naman kapag hindi kinakailangan iwasan ang paggamit ng credit card nang walang pakundangan. Ganoon din iyong mga umuutang sa mga lending applications, nawa ay iwasan ito hanggang kakayanin pa.
Bilang mga nagpapautang, ang mga credit card companies ay mayroong karapatan na maningil sa mga nangutang gamit ang credit card na kanilang ipinagkaloob sa kanilang mga kliyente. Ang mga lending app ay mayroon ding karapatan upang mabawi ang halagang kanilang ipinautang. Kalakip nito ay ang kanilang karapatan na ibigay ang paniningil sa collection companies para maningil ng kanilang mga pautang kapag ang nasabing pagkakautang ay kinakailangan nang mabayaran. Ito ay sa mga pagkakataong ang obligasyon ng nangutang na magbayad ay umabot na sa takdang araw at hindi pa rin ito nakakabayad ng kanyang pagkakautang.
Subalit ang karapatang maningil na ito ng mga credit card companies at lending app ay hindi dapat na maging dahilan upang guluhin ang buhay ng nangutang. May mga karapatan din ang mga nangungutang na mabigyan ng proteksyon laban sa mga hindi makatwirang paniningil at pamamahiya lalo na sa social media.
May mga paraan na maayos upang makapaningil ng pautang ang mga credit card companies at lending app. Ipinagbabawal ng batas ang pagsasagawa ng mga hindi makatarungang paniningil katulad na lamang ng paggamit ng mga mapang-insultong mga salita.
Mayroong regulasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan binigyan ng klasipikasyon bilang Unfair Collection Practices ang mga sumusunod na gawain:
(a) Use or threat of violence or other criminal means to harm a person, his reputation or property;
b) Use of obscenities, insults, or profane language which amount to a criminal act or offense;
(c) Disclosure of the names of credit cardholders who allegedly refuse to pay debts, unless authorized by law;
(d) Threat to take any action that cannot legally be taken;
e) Purposely communicating or threatening to communicate false credit information;
(f) Any false representation or deceptive means to collect any debt or to obtain information concerning a cardholder; and
(g) Making contact at unreasonable/inconvenient hours before 6:00 A.M. or after 10:00 P.M., unless the account is past due for more than sixty (60) days, it is with express permission, or said times are the only reasonable or convenient opportunities for contact (Subsecs. 4301N.14, Manual of Regulations for Non-Bank Financial Institution as amended by Circular No. 454, s. 2004, issued 9-24-2004).
Sa mga nakasaad sa itaas ay makikita natin na kahit na ang isang taong mayroong pagkakautang ay marapat din namang mabigyan ng kaukulang respeto sa pagkakataong siya ay sisingilin na sa kanyang obligasyon.
Ipinagbabawal ang paggamit o pagbabanta ng karahasan o iba pang kriminal na paraan upang saktan ang isang tao, ang kanyang reputasyon o kanyang ari-arian. Hindi rin hinahayaan ang paggamit ng mga kahalayan, insulto, o bastos na pananalita na katumbas ng isang kriminal na gawa o pagkakasala. Lalong hindi pinapayagan ang credit collection agents na magsiwalat ng mga pangalan ng mga may hawak ng credit card o account na diumano ay tumangging magbayad ng mga utang.
Subalit kahit na mayroong ganitong uri ng panuntunan ang Bangko Sentral, marapat
isipin ng isang nangungutang na siya ay mayroon din namang obligasyon na bayaran ang kanyang mga pagkakautang. Kung mayroong dahilan at hindi niya mabayaran ito ay maaari siyang makipag-ugnayan sa institusyon na kanyang pinagkakautangan at makipag-usap kung papaano niya mababayaran ang kanyang pagkakautang sa paraang kanyang kakayanin.
Comments