Karapatan ng mga kababaihan
- BULGAR
- Mar 26, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 26, 2023
Sa pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan, magandang balik-tanawin natin ang mga karapatan ng kababaihan na ipinasa ng ating Mababa at Mataas na Kapulungan ng Lehislatura bilang pagkilala sa kanilang hindi mapapantayang gampanin sa ating pamayanan. Kung ating titingnan, napakaraming batas ang ipinasa para bigyang-proteksyon ang ating kababaihan.
Ilan sa mga ito ang Women in Development and Nation Building Act (Republic Act No. [R.A.] 7192), Anti-Sexual Harassment Act of 1995 (R.A. 7877), Anti-Rape Law of 1997 (R.A. 8353), Rape Victim Assistance and Protection Act of 1998 (R.A. 8505), Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (R.A. 9208), Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 (R.A. 9262), The Magna Carta for Women (R.A. 9710), at Safe Spaces Act (R.A. 11313).
Noong Agosto 14, 2009, pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para maisabatas ang R.A. 9710 (The Magna Carta for Women) na naging konsolidasyon ng Senate Bill No. 2396 at House Bill No. 4273. Layunin ng nasabing batas na palakasin at pag-ibayuhin ang mga karapatan ng kababaihan na nakapaloob sa iba’t ibang batas na ginawa para sa kanila. Pinalawig din ng nasabing batas ang pantay na pagtrato sa mga babae at lalaki pagdating sa lahat ng oportunidad, maging sa civil service, military, at larangan ng palakasan.
Bukod sa mga karapatang nakapaloob sa Konstitusyon, R.A. 9262, at iba pang mga batas na ginawa para protektahan ang kababaihan, binibigyan din ng The Magna Carta for Women ang kababaihan ng proteksyon at seguridad sa mga panahon ng kalamidad at iba pang uri ng trahedya, lalo na sa aspeto ng pagbibigay ng tulong para sa kanilang pag-ahon mula sa mga nasabing kalamidad at trahedya. Magbibigay ang pamahalaan ng agarang pagtulong para sa alokasyon ng resettlement kung kinakailangan. Kaugnay nito ang pagbibigay-pansin ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng kababaihan laban sa sexual exploitation at iba pang uri ng sexual violence sa panahon ng mga nasabing kalamidad o trahedya.
Sa lahat ng pagkakataon, ang pamahalaan ay marapat na magbigay ng komprehensibong serbisyong pangkalusugan na sapat at tumutugon sa pangangailangan ng kababaihan. Sakop ng mga programang ito ang lahat ng aspeto ng buhay ng isang babae, at binibigyang-pansin ang sanhi ng maagang kamatayan ng mga ito. Kaugnay pa rin sa pangkalusugan, ang isang babaeng empleyado na nakapagtrabaho ng may anim na buwan sa huling 12 buwan ay binibigyan ng special leave benefit na dalawang buwan na may suweldo, base sa kanyang gross monthly compensation pagkatapos ng kanyang operasyon na sanhi ng gynecological disorders.
Ang lokal na pamahalaan ay inaatasan na magtalaga ng kaukulang serbisyo at tulong na kinakailangan para sa mga “Women in Especially Difficult Circumstances.” Ang kababaihang ito ay ang mga biktima o mga nakaligtas sa pang-aabusong pisikal o seksuwal. Kasali rin dito ang mga biktima ng illegal recruitment, prostitusyon, trafficking o armed conflict, mga babaeng nakadetine, at mga biktima ng rape o parehong sirkumstansya kung saan naapektuhan ang kanilang kakayanang maging produktibong mamamayan. Ang mga serbisyong ito ay maaaring temporary or protective custody, medical and dental services, psychological evaluation, counseling, psychiatric evaluation, legal services, productivity skills capability building, livelihood assistance, job placement, financial, or transportation assistance.
Ang sinuman (pribado man ito o publiko) na gumawa ng isang bagay na magdudulot ng diskriminasyon laban sa isang babae ay may katumbas na kaparusahan ayon sa Seksyon 41 ng R.A. 9710, kung saan nakasaad na:
“Filing a complaint under this Act shall not preclude the offended party from pursuing other remedies available under the law and to invoke any of the provisions of existing laws especially those recently enacted laws protecting women and children, including the Women in Development and Nation Building Act (Republic Act No. 7192), the Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Republic Act No. 7610), the Anti-Sexual Harassment Act of 1995 (Republic Act No. 7877), the Anti-Rape Law of 1997 (Republic Act No. 8353), the Rape Victim Assistance and Protection Act of 1998 (Republic Act No. 8505), the Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (Republic Act No. 9208) and the Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (Republic Act No. 9262). If violence has been proven to be perpetrated by agents of the State including, but not limited to, extrajudicial killings, enforced disappearances, torture, and internal displacements, such shall be considered aggravating offenses with corresponding penalties depending on the severity of the offenses.”
Comments