ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 24, 2023
Buwan na naman ng Disyembre at mahalaga ang buwan na ito sa ating mga kababayang manggagawa.
Ito ang buwan kung saan marami sa ating mga manggagawa ay may natatanggap na biyaya mula sa kanilang mga employers sa bisa ng Presidential Decree No. 851 o mas kilala sa tawag na “13th Month Pay Law” na inamyendahan ng Memorandum Order No. 28 dated 13 August 1986. Nakapaloob dito na ang lahat ng mga empleyado, anumang uri ang kanilang designasyon sa pagtatrabaho at kung paano nila natatanggap ang kanilang sahod, ay dapat makatanggap ng 13th month pay nang hindi lalampas ng Disyembre 24 ng kasalukuyang taon.
Ang 13th month pay ay katumbas ng one twelfth (1/12) ng suweldo ng empleyado sa isang calendar year. Kinakailangan lamang ay nakapagtrabaho ang nasabing empleyado ng isang buwan sa loob ng isang taon.
Ang pagbabayad ng 13th month pay ay ipinag-uutos ng batas sa lahat ng employer at hindi ito depende sa kumpanya. Hindi dahilan na kakaunti lamang ang kinita ng kumpanya para hindi ito magbigay ng nararapat na 13th month pay.
Sa katunayan, ang lahat ng mga employer ay inaasahang magsumite nang hindi lalampas ng Enero 15 ng sumunod na taon ng kanilang Compliance Report ukol sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang empleyado (Labor Advisory 12, series of 2013).
Maging ang ating mga kasambahay ay dapat makatanggap din ng kanilang 13th month pay sa bisa ng Section 1, Rule IV ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10361 o ang “Domestic Workers Act” or “Batas Kasambahay”. Ito ay para mabigyan din ang ating mga kasambahay ng insentibo dahil sa mahalaga nilang gampanin sa ating sambahayan.
Ang hindi pagbabayad ng 13th month pay ay itinuturing na money claims na maaaring iproseso sa ilalim ng Rules Implementing the Labor Code of the Philippines at ng 2011 National Labor Relations Commission Rules of Procedure.
Comments