top of page
Search

Karapatan ng may-ari ng bahay vs. trespassers

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 16, 2023


Nakasaad sa Article 281 ng Revised Penal Code ang mga sumusunod na probisyon:


“The penalty of arresto menor or a fine not exceeding 200 pesos, or both, shall be imposed upon any person who shall enter the closed premises or the fenced estate of another, while either of them are uninhabited, if the prohibition to enter be manifest and the trespasser has not secured the permission of the owner or the caretaker thereof.”


Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon, malinaw na ang isang tao ay may karapatang hindi maistorbo sa loob ng kanyang tahanan o pagmamay-ari. Walang sinumang tao ang makakapasok sa bahay niya, maging sa bakuran nito, nang walang pahintulot niya. Ang isang tao na mangangahas na pumasok sa isang saradong bahay o lupain na nakabakod, kapag malinaw ang intensyon ng may-ari nito na ipagbawal ang pagpasok nang walang pahintulot, ay maaaring maparusahan sa ilalim ng artikulong binabanggit sa itaas. Ito ay pinaparusahan ng batas bilang isang akto ng Trespassing.


Bukod sa probisyong ito ng Revised Penal Code, pinangangalagaan din ng ating Saligang Batas ang karapatan ng isang tao sa katahimikan sa kanyang bahay at sa anumang kanyang pag-aari. Ito ay nakapaloob sa Seksyon 2, Artikulo III, ng 1987 Constitution, kung saan nakasaad na:


“Sek. 2. Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warant sa paghalughog o warant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.”


Mula sa mga nabanggit na probisyon, makikita natin kung paano pinahahalagahan ng ating Estado ang karapatan ng isang mamamayan laban sa panghihimasok ng ibang tao sa kanyang buhay at mga ari-arian. Ang karapatan sa seguridad ng isang tao sa kanyang tahanan ay isa sa mga lupon ng karapatang isinasaad sa ating Saligang Batas. Anumang paglabag sa karapatang ito ay maaaring maging sanhi ng isang aksyon para makahingi ng danyos o paghahain ng kasong kriminal laban sa taong lumabag nito.


Marapat na malaman ng bawat mamamayan na kapag ang isang bakuran ay mayroong bakod, intensyon ng may-ari nito na hindi ito dapat pasukin ng ibang tao nang walang kaukulang pahintulot. Ang paglalagay ng bakod ay isang uri ng “exercise of ownership” at isa itong babala na walang karapatan ang ibang tao na pumasok dito nang hindi pinapayagan ng may-ari nito o sinumang katiwala nito. Isang kalapastanganan ang paglabag dito.



0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page