ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 3, 2023
Noong Lunes, Mayo 1, ay Araw ng Paggawa. Bilang miyembro ng Senate Committee on Labor, kinikilala natin ang mahalagang papel ng mga manggagawang Pilipino sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Napakalaki ng kontribusyon ng ating mga manggagawa sa muling pagbangon ng ating ekonomiya mula sa pandemya, lalo na ang mga ordinaryong manggagawang Pilipino na araw-araw ay nakikipagsapalaran para lang may maipakain sa kanilang pamilya. Sila palagi ang dapat nating unahin at ipaglaban.
Sa Senado ay isinusulong natin ang mga panukalang-batas para patuloy na maprotektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino. Isa rito ang Senate Bill No. (SBN) 1705 na naglalayon na dagdagan ang service incentive leave ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Nar’yan din ang SBN 1707 na naglalayon na magkaroon ng competitive remuneration and compensation packages ang ating mga social workers. Noong isang taon naman ay isinumite natin ang SBN 1183, o ang panukalang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, para mas mapalawak ang proteksyon, seguridad at insentibo para sa mga kaibigan nating media workers sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime and night differential pay, at iba pang mga benepisyo. Isinumite rin natin ang SBN 420, na naglalayon na mabigyan ng temporary employment ang eligible members ng low-income rural households na kayang mag-perform ng unskilled physical labor. At para mas maprotektahan ang mga delivery service riders, nar’yan ang SBN 1184; at ang SBN 1191 para naman sa mga marinong Pilipino. Kung maisabatas ang mga ito, hangarin nating mas maproteksyunan pa ang mga manggagawang Pilipino.
Noong kasagsagan ng pandemya, matagumpay nating naimungkahi ang pagbibigay ng Small Business Wage Subsidy na nagkaloob ng tulong pinansyal sa mga eligible workers ng mga MSMEs na naapektuhan ang hanapbuhay nang ipatupad ang enhanced community quarantine. Ngunit kahit sa panahong bumabangon na sana tayo sa pandemya, huwag natin itigil ang suportang maaaring maibigay ng gobyerno sa kanila upang makabangon at maiahon sa kahirapan.
Bilang inyong manggagawa naman sa pamahalaan, patuloy tayo sa paglalapit ng mga serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan sa buong Pilipinas. Kahapon ay sinaksihan natin ang ceremonial ribbon cutting at blessing ng bagong municipal and legislative building sa Buruanga, Aklan. Napondohan ang proyekto sa pamamagitan ng ating suporta bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance. Sinaksihan din natin ang pagbubukas ng 7th Panagat Festival. Nagbigay tayo ng mensahe sa pagdiriwang na nagtatampok sa iba’t ibang aktibidad sa pangingisda ng mga Buruanganons. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar.
Kasabay naman ng pagdiriwang ng Labor Day ay dumalo tayo sa pagbubukas ng Calacatchara Festival 2023 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-188 Araw ng Calaca sa Batangas. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,000 mahihirap na residente ng Calaca City. Dumiretso naman tayo sa bayan ng Taal para mag-inspeksyon sa kanilang integrated rural health unit. Bahagi ito ng ating layunin bilang Chair ng Senate Committee on Health na mas mapalakas pa ang ating healthcare system. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na Taaleños.
Bilang isang adopted son ng Taal at ng buong Calabarzon, at bilang kapwa Batangueño kung saan nanggaling ang pamilya ng aking ina na mga Tesoro, nagpapasalamat ako sa oportunidad na makapagserbisyo sa lalawigan.
Noong Abril 30 ay nasa Bago City at La Carlota City, Negros Occidental naman tayo para mamahagi ng tulong sa tig-1,000 mahihirap na pamilya sa dalawang siyudad. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Bgy. Atipuluan sa Bago City bilang bahagi ng ating layunin na matiyak na makararating sa mga residente ang serbisyong medikal ng gobyerno. Nakisaya rin tayo sa 41st Pasasalamat Festival ng La Carlota City kung saan tampok ang float parade at street dance competition patungong public plaza. Sinamahan tayo ni Vice Governor Jeffrey Ferrer at mga lokal na opisyal doon.
Samantala, noong Abril 29 ay ginanap ang FIBA Basketball World Cup 2023 Draw sa Araneta Coliseum. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, buo ang ating suporta sa ating Gilas Pilipinas team sa kanilang paglahok sa laro sa darating na Agosto. Ang ating bansa ay isa sa mga host countries para sa FIBA Basketball World Cup 2023.
Matagumpay nating naipaglaban sa Senado ang karagdagang pondo ng Philippine Sports Commission, na ang bahagi ay magagamit para sa pagho-host ng naturang paligsahan.
Nagpapasalamat naman tayo sa “Gawad Agila Awards” na ipinagkaloob sa atin ng The Fraternal Order of Eagles, Philippine Eagles Okada Elite Eagles Club sa Okada Hotel, Parañaque City noong April 29. Sa aking mga kuya at ate sa Philippine Eagles, salamat.
With or without this award or recognition, ipagpatuloy natin ang pagseserbisyo at pagtulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya.
Nakarating naman ang aking relief team sa mga komunidad na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Napagaan natin ang dalahin at nakapaglagay ng ngiti sa mga labi ng 100 mahihirap na residente ng Loreto at 100 din sa Veruela, mga bayan sa Agusan del Sur.
Hindi rin natin kinaligtaan ang 300 pa sa Baler, Casiguran and Maria Aurora sa lalawigan ng Aurora.
Naniniwala ako na kapag maganda ang ating hangarin sa ating kapwa sa paghahatid ng serbisyo, tulong at malasakit, hinding-hindi tayo pababayaan ng ating Panginoon.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments