top of page
Search
BULGAR

Karapatan ng mag-asawa sa mga ari-arian matapos mapawalang-bisa ang kasal

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 10, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Sa kaso ng Dio versus Dio, G.R. No. 178044, January 19, 2011, sinabi ng Korte Suprema sa pamamagitan ni Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio ang mga sumusunod: 


“In a void marriage, regardless of its cause, the property relations of the parties during the period of cohabitation is governed either by Article 147 or Article 148 of the Family Code. Article 147 of the Family Code applies to union of parties who are legally capacitated and not barred by any impediment to contract marriage, but whose marriage is nonetheless void xxx.”


Nakasaad sa nabanggit na kaso ang nilalaman ng desisyon ng Korte Suprema na ang paghahati ng ari-arian ng mag-asawang napawalang-bisa ang kasal sa ilalim ng Article 36 ng Family Code, dahilan na ang isa o ang parehas na mag-asawa ay idineklara ng husgado na psychologically incapacitated para gampanan ang kanilang obligasyon bilang mag-asawa sa isa’t isa, ay binibigyang regulasyon ng Article 147 o 148 ng Family Code. Sa ilalim ng Article 147 ay nakasaad na: 


“Article 147. When a man and a woman who are capacitated to marry each other, live exclusively with each other as husband and wife without the benefit of marriage or under a void marriage, their wages and salaries shall be owned by them in equal shares and the property acquired by both of them through their work or industry shall be governed by the rules on co-ownership. xxx”


Sang-ayon sa nabanggit na probisyon kinakailangan na ang lalaki at babaeng nagsama bilang mag-asawa na walang kasal ay walang hadlang para sila ay makasal nang legal pero pinili nilang hindi magpakasal sa isa’t isa. Kaya naman ang hatian ng kanilang ari-arian sa araw na sila ay maghiwalay ay hahatiing pantay sa kanilang dalawa. Ang paghahating ito ay base sa pagpapalagay ng batas na lahat ng ari-ariang naipundar sa loob ng pagsasama ay galing sa pinagsamang pagsisikap nilang dalawa kahit na ang kontribusyon ng isa sa kanila ay tanging ang pangangalaga at pag-asikaso sa kanilang kabahayan.


Sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Dio versus Dio, ang probisyong ito ay naaangkop din sa mag-asawang napawalang-bisa ang kasal dahil sa ito ay hindi balido mula pa sa umpisa ng kasal. Kaya ang paghahati ng ari-arian nilang dating mag-asawa ay pantay na hatian sa kanilang dalawa sang-ayon sa batas ng co-ownership. Ipinagpapalagay na parehas ang bahagi ng dating mag-asawa maliban kung mayroong pruweba na taliwas dito (Article 45, New Civil Code of the Philippines). Anumang naipundar nilang dalawa habang sila ay nagsasama at bago madeklarang hindi balido ang kanilang kasal ay paghahatian nilang dalawa nang pantay.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page