ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 10, 2024
Ang Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) na marapat na sinusunod ng mga manananggol ay nagsasaad ng mga nararapat na aksyon ng isang mabuting tagapagtanggol.
Ang relasyon ng isang abogado at ng kanyang kliyente ay nakabase sa pagtitiwala ng kliyente sa kakayahan ng kanyang abogado na ipagtanggol at ipaglaban ang kanyang mga karapatan. Kinakailangan na ang pagtitiwalang ito ay panatilihing hindi masira ng abogado hanggang sa kahit ang kanyang serbisyo ay natapos na.
Ayon sa CPRA, karapatan ng isang kliyente na mapanatiling lihim o sikreto ang bawat komunikasyon o pinag-uusapan nila ng kanyang abogado. Dagdag pa rito, kapag ang kliyente ay humingi ng payo sa isang abogado, karapatan niyang makakuha ng isang tapat at totoong payo ukol sa kanyang problema. Kapag ang isang abogado ay nakatanggap ng pera o ari-arian para sa kanyang kliyente, karapatan ng kliyente na masabihan ng kanyang abogado na mayroon siyang natanggap na pera o ari-arian para sa kanya.
Kaugnay nito, responsibilidad ng abogado na pag-ingatan at ibigay sa kanyang kliyente ang mga nasabing pera o ari-arian. Kapag hiniling ng kliyente na ibigay sa kanya ang mga ito, responsibilidad ng abogado na ibigay ito sa kliyente. Kapag hindi ibinigay ng abogado ang mga ito, may karapatan ang kliyente upang idemanda ang kanyang abogado para mabawi ang kanyang pera o ari-arian.
Karapatan din ng kliyente na hilingin sa kanyang abogado na ipagtanggol ang kanyang kaso nang may ibayong pag-iingat at husay. Hindi dapat humahawak ang isang abogado ng isang kaso nang walang preparasyon. Kapag nagpabaya ang abogado sa kanyang kaso at nagbunga ito ng kapinsalaan sa kanyang kliyente, ang nasabing abogado ay mananagot sa kanyang kliyente. Subalit, sa pagtatanggol ng abogado sa kaso ng kliyente, dapat malaman din ng kliyente na magagawa lamang ng abogado niya ang mga bagay na naaayon sa batas. Hindi dapat gumawa ang abogado ng labag sa batas para lamang ipagtanggol niya ang kanyang kliyente sapagkat labag ito sa sinumpaang tungkulin ng mga abogado.
Kapag humingi ang kliyente mula sa kanyang abogado ng impormasyon sa estado ng kanyang kaso, ang kanyang abogado ay kinakailangang makapagbigay ng nasabing hinihinging impormasyon sa lalong madaling panahon.
Ang basehan ng relasyon ng abogado at kliyente ay ang pagtitiwala. Kaya naman importante na mapanatili ang tiwalang ito. Hindi maaaring magrepresenta ng magkasalungat na interes ang isang abogado maliban na lamang kung mayroong dokumentadong konsento ang kliyente. Ito ay ayon sa Section 13 ng CPRA kung saan nakasaad na:
“SECTION 13. Conflict of interest. -- A lawyer shall not represent conflicting interests except by written informed consent of all concerned given after a full disclosure of the facts.
There is conflict of interest when a lawyer represents inconsistent or opposing interests of two or more persons. The test is whether in behalf of one client it is the lawyer’s duty to fight for an issue or claim, but which is his or her duty to oppose for the other client.”
Sa relasyon ng isang abogado at kliyente, marapat na mayroong pagtitiwala sa kanilang pagitan sapagkat ito ang magiging malakas na pundasyon upang magawa ng bawat panig ang kanilang mga responsibilidad upang makamit ang ipinaglalabang hustisya. Ito ay sang-ayon sa nakasaad sa CPRA na:
“SECTION 6. Fiduciary duty of a lawyer. -- A lawyer shall be mindful of the trust and confidence reposed by the client. To this end, a lawyer shall not abuse or exploit the relationship with a client.”
Kapag tinanggap ng isang abogado ang kaso ng kanyang kliyente, marapat na ipaglaban niya ito sa abot ng kanyang makakaya, nang naaayon sa sinasabi ng batas, nang buong kahusayan at ibayong pag-iingat nang sa ganoon ay maipagtanggol niya ang kanyang kliyente. Ganoon din, ang kaso ng isang kliyente ay hindi dapat tanggihan ng isang abogado dahilan lamang sa kanyang lahi, kasarian, paniniwala, o kanyang sariling opinyon sa kinalaman nito sa kasong kinasasangkutan.
Comments