ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 06, 2020
Ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa o madalas tawagin sa Ingles na Department of National Defense o DND ay departamento sa ilalim ng Ehekutibong Sangay ng Pamahalaang Pilipinas na responsable sa pagtatanggol mula sa mga panlabas at panloob na panganib sa kapayapaan at seguridad sa Pilipinas. Mayroon itong kakayanang mangasiwa sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas o Armed Forces of the Philippines (AFP), Tanggapan ng Tanggulang Sibil o Office of Civil Defense (OCD), Tanggapan ng Ugnayan sa mga Beterano ng Pilipinas o Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Dalubhasaan ng Tanggulang Pambansa ng Pilipinas o National Defense College of the Philippines (NDCP), at Arsenal ng Pamahalaan o Government Arsenal (GA).
Bilang kagawarang sangay ng ehekutibong departamento ng Pamahalaang Pilipinas, ayon sa Konstitusyon sa Artikulo VII, Seksiyon 17, ito ay nasa ilalim ng direktang kontrol at superbisyon ng pangulo sa pamamagitan ng mga kalihim o miyembro ng gabinete na kaniyang itinatalaga. Sa katunayan, ang Pangulo ng Pilipinas ay tinuturing na Commander-in-Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas, viz:
“SEKSIYON. 18. Dapat maging Commander-in-Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas ang Pangulo at, kailanma’t kakailanganin, maaari niyang atasan ang nasabing mga sandatahang lakas na pigilin o sugpuin ang labag sa batas na karahasan, pananalakay, o paghihimagsik. Kung sakaling may pananalakay o paghihimagsik, kapag kakailanganin ng kaligtasang pambayan, maaaring suspindihin niya, nang hindi hihigit sa animnapung araw, ang pribilehyo ng writ of habeas corpus o ipailalim sa batas militar ang Pilipinas o ang alin mang bahagi nito. Sa loob ng apatnapu’t walong oras ng pagkapahayag ng batas militar o pagkasuspinde ng pribilehyo ng writ of habeas corpus, ang Pangulo ay dapat magharap ng personal o nakasulat na ulat sa Kongreso. Maaaring pawalang-saysay ng Kongreso, sa magkasamang pagboto, sa pamamagitan ng boto ng mayorya man lamang ng lahat ng mga Kagawad nito sa regular o tanging sesyon, ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspinde, na hindi dapat isaisantabi ng Pangulo ang pagpapawalang-saysay na iyon. Sa pagkukusa ng Pangulo, maaaring palawigin ng Kongreso sa katulad na paraan ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi sa loob ng panahong itatakda ng Kongreso kung magpapatuloy ang pananalakay o paghihimagsik at kakailanganin ng kaligtasang pambayan.
xxx xxx xxx.”
Isinasaad din sa Artikulo VII, Seksyon 16, ng Konstitusyon na may kakayahang maghirang ang Pangulo ng sinuman para sa mga kagawarang pang-ehekutibo, kasama na rito ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, nang may pahintulot ng Komisyon sa Paghirang. Isusumite sa Komisyon sa Paghirang, para kanilang pagpilian, ang mga pangalang iminumungkahi para sa posisyon sa gabinete.
Bilang miyembro ng gabinete, ang kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ay itinuturing na kinatawan ng Pangulo sa mga tungkulin at usaping nasasakop ng kanyang kagawaran. Kung kaya, taglay nito ang kapangyarihang maglabas ng mga kautusang tungkol sa kanilang tanggapan, tulad ng mga kautusang pangkagawaran (department order). May bisa lamang ang mga kautusang ito sa departamentong sakop ng kalihim. Nagsisilbi ring tagapayo ng Pangulo ang mga kalihim sa usaping tungkol sa pagtatanggol mula sa mga panlabas at panloob na panganib sa kapayapaan at seguridad sa Pilipinas.
Ayon sa Utos ng Nakatataas Bilang 230 Serye 1939 na nag-organisa sa Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, nakasaad na ang Kagawaran ng Pambansang Depensa ay sisingilin sa tungkulin ng pangangasiwa ng pambansang programa ng pagtatanggol sa bansa, at magkakaroon ng pangangasiwa ng executive sa Philippine Army, Bureau of Aeronautics, Bureau of Coast and Geodetic Survey, Philippine Nautical School, at sa pagtatatag at pagpapatakbo ng lahat ng mga istasyon ng radyo (pagtanggap, paghahatid, o pagsasahimpapawid) maliban sa mga pinananatili ng Bureau of Post at siyang pamumunuan sa pangkalahatan ng Kalihim ng Kagawaran ng Pambansang Depensa.
Bukod pa sa nabanggit, ayon sa Komonwelt Akt Bilang 1, o mas kilala sa tawag na “The National Defense Act,” tungkulin ng Kalihim na:
a. Sumailalim sa direksyon ng Pangulo ng Pilipinas;
b. Gumawa ng mga kinakailangang plano para sa pangangalap, pag-aayos, pagbibigay, pagsangkap, pagpapakilos, pagsasanay at pag-demobilize ng Army sa kapayapaan at sa digmaan at para sa paggamit ng puwersang militar para sa pambansang-pagtatanggol; at
c. Magbigay taun-taon sa Pangulo, ng isang buong ulat sa kundisyon ng Hukbo ng Pilipinas kasama na ang mga pahayag na tungkol sa lakas, gastos, walang bayad na balanse, kinakailangan, at iba pa.
Ang Kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa bagama’t nagtataglay ng malawak na kapangyarihan, lalo sa usapin tungkol sa Sandatahang Lakas ay gayunman ay katulad ng lahat ng opisyal at pinuno ng gobyerno ay may pananagutan sa bayan at dapat maging tapat sa pagseserbisyo sa lahat ng oras.
Comentarios