top of page
Search

Karapatan ng kababaihan sa serbisyong pangkalusugan

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 17, 2024


Sa ating paggunitang muli sa buwan ng mga kababaihan o Women’s Month ngayong Marso, maiging ating mapagnilayan ang mga karapatan ng ating mga kababaihan na mayroong mahalagang gampanin sa ating pamayanan. 


Ang karapatan ng mga kababaihan ay isang pangunahing karapatang pantao. Kasama sa mga karapatang ito ay ang mabuhay na malaya sa pagmamalupit, pang-aalila at diskriminasyon, at karapatang magkaroon ng edukasyon, ari-arian at kumita ng patas at pantay na sahod. Kasama rin dito ay ang karapatan para sa isang maayos na kalusugan. 


Ang karapatan ng mga kababaihan para sa maayos na kalusugan ay nakasaad sa Republic Act (R.A.) No. 9710 o mas kilala sa titulong “Magna Carta of Women”. 


Nakapaloob dito ang polisiya ng estado na bigyan ng kalakasan ang kapakanan ng mga kababaihan, lalo na sa kanilang kalusugan. Ayon sa Section 17 ng nabanggit na batas, polisiya ng estado ang magbigay ng serbisyong pangkalusugan at programa na komprehensibo, sensitibo at sasakop sa buong bahagi ng buhay ng isang babae. Dapat ding nakatuon ang mga serbisyo at programang ito sa mga pangunahing dahilan ng kanilang pagkamatay.


Alinsunod sa polisiyang ito, ang mga kababaihan ay binibigyan ng daan para sa mga sumusunod na serbisyo:


  1. Pag-aalaga sa isang ina (maternal care, kasama ang pre- at post-natal na serbisyo upang bigyang pansin ang kanilang pagdadalantao, at kalusugan at nutrisyon ng sanggol);

  2. Pagsulong sa pagpapasuso;

  3. Responsable, etikal, legal, ligtas, at epektibong paraan ng pagpaplano ng pamilya;

  4. Pakikipagtulungan ng pamilya at estado sa edukasyong sekswalidad ng kabataan, at mga serbisyong pangkalusugan nang walang pagkiling sa pangunahing karapatan at tungkulin ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak;

  5. Pag-iwas at pamamahala ng mga impeksyon sa reproductive tract, kabilang ang mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik, HIV, at AIDS;

  6. Pag-iwas at pamamahala ng mga kanser sa reproductive tract tulad ng kanser sa suso at serbikal, at iba pang mga kondisyon at karamdamang gynecological;

  7. Pag-iwas sa pagpapalaglag at pamamahala ng mga komplikasyon na nauugnay sa pagbubuntis;

  8. Sa mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at mga bata, ang mga biktima ay dapat bigyan ng komprehensibong serbisyong pangkalusugan na kinabibilangan ng psychosocial, therapeutic, medikal, at legal na mga interbensyon at tulong tungo sa pagpapagaling, pagbawi, at pagpapalakas;

  9. Pag-iwas at pamamahala sa infertility at sekswal na dysfunction, alinsunod sa mga pamantayang etikal at mga medikal na pamantayan;

  10. Pangangalaga sa mga matatandang babaeng lampas sa kanilang mga taon ng panganganak; at

  11. Pamamahala, paggamot, at interbensyon ng mga problema sa kalusugan ng isip ng mga babae. Bilang karagdagan, ang mga aktibidad sa malusog na pamumuhay ay hinihikayat at isinusulong sa pamamagitan ng mga programa at proyekto bilang mga estratehiya sa pag-iwas sa mga sakit.​


Upang lubos na maunawaan ng mga kababaihan ang mga nabanggit na serbisyong pangkalusugan, inilahad din sa naturang batas ang pagbibigay ng estado ng Comprehensive Health Information and Education sa mga kababaihan upang mabigyan sila ng ganap na kaalaman patungkol sa kanilang kalusugan.


Kaugnay sa mga karapatan ng mga kababaihan sa maayos na kalusugan ay ang karapatan ng mga babaeng manggagawa na makakuha ng Special Leave sa panahon na sila ay magkaroon ng karamdaman na nasa kategorya ng “gynecological disorders.” Ito ay ayon sa Section 18 ng nasabing batas kung saan nakasaad na:


“Section 18. Special Leave Benefits for Women. - A woman employee having rendered continuous aggregate employment service of at least six (6) months for the last twelve (12) months shall be entitled to a special leave benefit of two (2) months with full pay based on her gross monthly compensation following surgery caused by gynecological disorders.”


Malinaw sa nabanggit sa itaas na ang isang babaeng empleyado na nagbigay ng tuluy-tuloy na pinagsama-samang serbisyo sa pagtatrabaho nang hindi bababa sa anim na buwan sa huling 12 buwan ay may karapatan sa isang espesyal na benepisyong bakasyon na dalawang buwan, na may buong suweldo, batay sa kanyang kabuuang buwanang kabayaran, pagkatapos ng operasyon sanhi ng mga sakit na gynecological. 


Ang espesyal na leave na ito ay dalawang buwan na may bayad base sa gross income.


Ang mga babaeng empleyado na makararanas ng “gynecological disorder” ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang opisina para magamit ang pribilehiyong ito.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page