ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 3, 2023
Marami sa ating mga kababayan na pinaghahandaan nang mabuti ang kanilang kinabukasan, maging ng kanilang mga mahal sa buhay. Kaya naman kung kakayanin nila, maski paunti-unti lamang, ay nag-iipon sila para sa kanilang kinabukasan. Marami ang naglalagay ng kanilang mga ipon sa bangko para ito ay gawing deposito.
Sa ilalim ng Republic Act No. 1405 o ang Bank Secrecy Deposit Act, inilatag ang polisiya ng estado na himukin ang mga mamamayan na magdeposito sa mga bangko, sa halip na itago lang nila ito sa kanilang sarili, upang magamit ng mga bangko ang mga nasabing deposito para sa mga pinapayagang uri ng utang at makatulong ito sa kaunlaran ng ekonomiya ng bansa.
Upang lalong mahimok ang mga mamamayan na mag-impok sa bangko ay pinasisiguruhan ng batas na ang mga perang nakadeposito sa bangko ay hindi maaaring ipagbigay-alam sa ibang tao.
Ang mga depositong ito, anumang uri ito pangalanan, maging ng mga investment in bonds na inisyu ng ating gobyerno at ng mga political subdivisions o instrumentalities nito, ay itinuturing na absolutely confidential. Hindi ito maaaring eksaminin, kuwestiyunin o tingnan ng sinumang tao, government official, bureau o opisina.
Ang mga exceptions lamang na kinikilala ng batas para tingnan o imbestigahan ang isang deposito sa bangko ay ang mga sumusunod:
1. Upon written permission of the depositor;
2. In cases of impeachment;
3. Upon order of a competent court in cases of bribery or dereliction of duty of public officials;
4. In cases where the money deposited or invested is the subject matter of the litigation;
5. Report of banks to Anti-Money Laundering Council of covered and/or suspicious transactions;
6. Upon order of the competent court or tribunal in cases involving unexplained wealth under the Anti-Graft and Corrupt Practices Act or Republic Act No. 3019;
7. In cases of terrorism under the Human Security Act of 2007 or Republic Act No. 9372.
Malinaw na tanging ang mga nabanggit lamang ang legal na dahilan upang pakialaman o silipin ang isang deposito sa bangko. Sa isang kaso na isinulat ng dating Punong Mahistrado, Kagalang-galang na Diosdado M. Peralta na pinamagatang BSP Group versus Sally Go, G.R. No. 168644, February 16, 2010, sinabi ng Korte Suprema na ang pagtatanong tungkol sa deposito sa bangko ay dapat na batay sa katotohanan na ang perang nakadeposito sa naturang account ay ang mismong pinag-uusapan sa kaso. Sinabi ng Korte Suprema na:
“What indeed constitutes the subject matter in litigation in relation to Section 2 of R.A. No. 1405 has been pointedly and amply addressed in Union Bank of the Philippines v. Court of Appeals, 50 in which the Court noted that the inquiry into bank deposits allowable under R.A. No. 1405 must be premised on the fact that the money deposited in the account is itself the subject of the action.”
Comments