ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 6, 2023
Sang-ayon sa batas, ang personalidad ng isang tao ay nagsisimula sa araw na ipinagdalang-tao siya ng kanyang ina. Para sa mga layuning sibil, ang isang fetus ay ipinagpapalagay na naisilang kung ito ay ipinanganak nang buhay sa oras na siya ay kumpletong nailabas sa sinapupunan ng kanyang ina. Ngunit, kapag ito ay naipanganak nang ito ay 7 buwan pa lamang, hindi ito maituturing na buhay kapag ito ay namatay sa loob ng 24 oras pagkatapos na nailabas mula sa sinapupunan ng kanyang ina.
Ang bawat sanggol na isinilang ay mayroong karapatan na mabigyan ng kanyang pangalan. Kung ang nasabing sanggol ay ipinanganak sa loob ng isang kasal, dadalhin ng nasabing sanggol ang apelyido ng kanyang ama. Ito ay sang-ayon sa probisyon ng Article 174 ng Family Code kung saan nakasaad na:
“Art. 174. Legitimate children shall have the right:
(1) To bear the surnames of the father and the mother, in conformity with the provisions of the Civil Code on Surnames;
(2) To receive support from their parents, their ascendants, and in proper cases, their brothers and sisters, in conformity with the provisions of this Code on Support;
(3) To be entitled to the legitimate and other successional rights granted to them by the Civil Code.”
Kung ang sanggol naman ay ipinanganak sa labas ng isang kasal, maaari niyang gamitin ang apelyido ng kanyang ina o ng kanyang ama kung papayagan ng huli ang paggamit nito ng kanyang apelyido, at kikilalanin niya ang nasabing sanggol sa pamamagitan ng pagpirma niya sa birth certificate ng bata o ng iba pang instrumento kung saan kinikilala niya ang pagiging ama sa nasabing sanggol. Ang karapatan ng isang sanggol na ipinanganak sa labas ng isang kasal na gamitin ang apelyido ng kanyang ama ay sang-ayon sa Republic Act No. (RA) 9255, kung saan nakasaad na:
“SECTION 1. Article 176 of Executive Order No. 209, otherwise known as the Family Code of the Philippines, is hereby amended to read as follows:
Article 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code.
However, illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by the father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. Provided, the father has the right to institute an action before the regular courts to prove non-filiation during his lifetime. The legitime of each illegitimate child shall consist of one-half of the legitime of a legitimate child.”
Bukod sa karapatan ng bagong silang na sanggol ang magkaroon ng pangalan, karapatan din niya na mabigyan ng suporta sa kanyang mga pangangailangan bilang isang sanggol hanggang sa kanyang paglaki.
(Article 174(2), Family Code)
Karapatan din ng isang sanggol na dumaan sa National Newborn Screening System sang-ayon sa RA 9288. Isinasagawa ito matapos ang 24 oras at hindi lalampas sa 3 araw mula nang ang isang sanggol ay maipanganak ng kanyang nanay.
Obligasyon ng mga magulang ng bata at ng taong nagpaanak sa isang nanay na mapasiguruhan na maisasagawa ang newborn screening sa loob ng mga araw na nabanggit. Kapag ang mga magulang ay tumanggi sa pagsasagawa nito dahil sa ipinagbabawal ito ng kanilang relihiyon, sila ay magsasagawa ng kanilang Refusal Documentation at magiging kabahagi ito ng medical records ng bata. (Article III, Section 6, RA 9288)
Comments