ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 9, 2025
![Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta](https://static.wixstatic.com/media/a09711_5f41788bb1484503b537ca798dface3e~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/a09711_5f41788bb1484503b537ca798dface3e~mv2.jpg)
Nakasaad sa ating Saligang Batas ang karapatan ng mga Pilipino na mabigyan ng prayoridad sa paggamit ng mga natural na yaman ng bansa.
Tunay na napakayaman ng ating bansa sa likas na yaman — mula sa mineral, kagubatan, karagatan, hanggang sa mga likas na mapagkukunan ng enerhiya. Kinakailangan lamang na magamit ito nang maayos para sa pangmatagalang kaunlaran ng bansang Pilipinas.
Sang-ayon sa Artikulo XII ng 1987 Philippine Constitution, may tatlong hangarin ang ekonomiya ng bansa. Ito ay ang mga sumusunod:
1) Magkaroon ng pantay na distribusyon ng yaman;
2) Pag-angat ng yaman para sa benepisyo ng mga mamamayang Pilipino; at
3) Pag-angat ng produksyon.
Upang maisakatuparan ang mga hangarin na ito ng Estado, isinusulong ng pamahalaan ang industriyalisasyon at pagyabong ng maraming oportunidad para sa pagtatrabaho, na batay sa pagpapaunlad ng reporma sa agrikultura at ibang mga industriya na gagamit ng buo at sapat na human at natural resources na kayang makipagpaligsahan sa lokal (domestic) at banyagang (foreign) kalakalan. Subalit sa pagpayag ng Estado na makapasok sa bansa ang mga banyagang negosyo, kinakailangan lamang na mabigyan ng proteksyon ang mga negosyo ng mga Pilipino laban sa hindi patas na kompetisyon at pakikipagkalakalan mula sa mga banyagang industriya.
Alinsunod sa mandato ng ating Saligang Batas na mabigyan ng proteksyon ang karapatan ng mga Pilipino sa mga natural at likas na yaman ng bansa, ang pagtuklas, pagpapaunlad at paggamit ng mga natural at likas na yaman ay isinailalim sa kontrol at superbisyon ng Estado. Dito pumapasok ang prinsipyong marapat na sa mga Pilipino ibigay ang prangkisa at karapatang tuklasin at paunlarin ang mga natural na yaman ng bansa. Kung ang korporasyon o kumpanya ay hindi man 100% na pagmamay-ari ng mga Pinoy, kinakailangang ang 60% nito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Para naman sa mga pangmalakihang eksplorasyon at paggamit ng mineral, petroleum at iba pang mga mineral oils, maaaring makipagkasundo ang Pangulo sa mga kumpanyang banyaga para makakuha ng teknikal o pinansyal na tulong. Ang pakikipagkasundong ito ay kinakailangang alinsunod sa mga pinaiiral na batas patungkol dito at may hangaring maisulong ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Anumang pakikipagkasundo ng Pangulo sa mga banyagang korporasyon patungkol sa pangmalakihang eksplorasyon at paggamit ng mineral, petroleum at iba pang mineral oils ay kanyang ipababatid sa Kongreso sa loob ng 30 araw mula nang maisagawa ang kontrata.
Upang lalong mabigyan ng sapat na kakayahan ang mga Pilipino na sumabay sa pagsulong ng ekonomiya at sa kaunlaran ng ibang bansa, isinusulong ng pamahalaan ang paggamit ng kagalingan ng mga manggagawang Pinoy at ng mga produktong Pilipino na kayang makipagsabayan sa pandaigdigang kalakalan. Gayundin, ang prangkisa para sa operasyon ng public utilities ay ibibigay lamang sa mga Pinoy o sa kumpanyang 60% na pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Comments