top of page
Search
BULGAR

Karapatan at proteksyon ng mga mamimili

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 20, 2023


Sa ating kasalukuyang panahon, napakamahal na ng mga bilihin at kaunti na lang ang mabibili ng P1,000.00 kung ikukumpara ito sa mga nakalipas na panahon. Kaya naman dapat nating malaman kung ano ang ating mga karapatan bilang mga mamimili at consumer.


Isa sa mga polisiya ng ating gobyerno ay ang mabigyan ng proteksyon ang ating mga mamimili. Kaugnay po nito ay isinulong at isinabatas ang Republic Act No. (R.A.) 7394 o mas kilala sa titulong “The Philippine Consumer Act of the Philippines.”


Layunin ng R.A. 7394 na mabigyan ng gabay ang mga mangangalakal at ang mga mamimili upang maisakatuparan ang mga sumusunod na adhikain:


a. Mabigyan ng proteksyon ang mga mamimili laban sa panganib ng sakit;

b. Isulong ang kaligtasan ng bawat mamimili sa mga produktong makapagdudulot ng banta sa kalusugan at kaligtasan ng bawat isa;

c. Mabigyan ng impormasyon at edukasyon ang mga mamimili para maipaglaban nila ang kanilang mga karapatan;

d. Bigyan ang mga mamimili ng kinatawan sa pagsasagawa ng mga polisiya patungkol sa kapakanan ng mga mamimili.


Ang mamimili ay isang tao na bumili, bumibili, bibili o tatanggap ng mga produkto para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang mga produktong ito ay mga pangunahing pangangailangang personal, pampamilya, o pambahay. Halimbawa ng mga ito ay pagkain, gamot, o cosmetics.


Karapatan ng bawat mamimili na ang produktong kanyang binibili ay may tamang specifications at presyo para malaman niya kung bibilhin niya ito o hindi. Ang presyo na nakalagay sa produkto ay siyang dapat na halaga nito. Bukod sa karapatang malaman ang tamang presyo at kalidad ng isang produkto, kailangan din na maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga pandaraya ukol sa totoong kalidad nito.


Karaniwan sa mga pangangailangan ng bawat pamilya ay ang gamot at pagkain. Kapag mayroong problema sa mga produktong ito ay maaaring lumapit ang mga mamimili sa Bureau of Food and Drugs (BFAD), Department of Health (DOH) o kaya sa Department of Trade and Industry (DTI) para maiparating ang reklamo.


Kapag ang isang mamimili ay bumili ng isang produkto maliban sa pagkain, gamot, o cosmetics nang dahil sa maling anunsyo sa mga radyo, telebisyon o print media, o dahil sa maling garantiya, siya ay may karapatang ibalik ang produkto at hinging mapalitan ito ng parehong produkto na umaayon sa specifications nito at alinsunod sa mga sukatan na isinasaad ng batas. Kung wala namang produktong kagaya nito ay maaari ring hilingin ng mamimili mula sa nagbenta ng produkto na ibalik nito ang kanyang ibinayad.


Sa mga depektibong produkto, maaaring maitama ang mga ito sa loob ng 30 araw. Ang 30 araw na ito ay maaaring babaan o dagdagan subalit hindi ito dapat mas mababa sa 7 araw o mas matagal sa 180 araw. Kapag ang nasabing depekto ay hindi na maitama, maaaring humingi ang mamimili ng parehong produkto na walang depekto. Maaari ring bawiin na lamang niya ang kanyang naibayad o humingi ng kaukulang bawas sa presyong naibayad na. (Article 100, R.A. 7394).


Para sa mga produktong may warranties, kinakailangan lamang iprisinta ng isang mamimili sa taong pinagbilhan niya ang warranty card o ang orihinal na resibo, kasama ang produktong ibabalik o ipagagawa. Sa mga pagkakataon naman na mayroon talagang express warranty sa kalidad ng isang produkto, ang mamimili ay may 2 remedyong maaaring gawin. Ito ay kung ipaaayos niya ang produkto o ibabalik na lamang ang kanyang ibinayad.


Anumang paglabag sa mga probisyon na nakasaad sa R.A. 7394 ay maaaring maging dahilan upang ang isang mamamili, sa loob ng 2 taon, ay magsampa ng reklamo para humingi ng danyos. Ang kawalan ng kaalaman ng isang supplier (tagatustos) sa mga kakulangan sa kalidad ng mga produkto na ibinebenta nito ay hindi niya magagamit bilang depensa para siya mawalan ng responsibilidad na bayaran ng danyos ang mga mamimili sa anumang kapinsalaang natamo ng mga ito (Article 104, Id).


Para sa mga manufacturers (tagagawa) at processors ng pagkain, inumin at ng ibang katulad nito, kahit sa kawalan ng kontrata sa kanilang pagitan, ay maaaring managot para sa anumang panganib na mararanasan ng mamimili, dahilan sa pagbili at paggamit ng kanilang produkto. Ito ay alinsunod sa probisyon ng Artikulo 2187 ng Civil Code kung saan nakasaad na:


“Art. 2187. Manufacturers and processors of foodstuffs, drinks, toilet articles and similar goods shall be liable for death or injuries caused by any noxious or harmful substances used, although no contractual relation exists between them and the consumers.”


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page