ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 26, 2023
Ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman o madalas tawagin sa Ingles na Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay isang departamento sa ilalim ng ehekutibong sangay ng ating pamahalaan na responsable sa pagkontrol at pamamahala ng eksplorasyon, pagpapaunlad, maayos na paggamit, at pagpapanatili sa likas na yaman ng Pilipinas.
Bilang isang kagawaran sa ilalim ng ehekutibong sangay ng ating pamahalaan, ayon sa Artikulo VII, Seksyon 17 ng ating Konstitusyon, ang DENR ay nasa ilalim ng direktang kontrol at superbisyon ng pangulo sa pamamagitan ng kalihim o miyembro ng gabinete na kanyang itinatalaga.
Sinasabi sa Artikulo VII, Seksyon 16 ng Konstitusyon na may kakayahang maghirang ang pangulo ng sinuman para sa mga kagawarang pang-ehekutibo, nang may pahintulot ng Komisyon sa Paghirang (Commission On Appointments) na binubuo ng mga miyembro ng lehislaturang sangay ng ating pamahalaan.
Isusumite sa Komisyon sa Paghirang, para sa kanilang kumpirmasyon, ang mga pangalang iminumungkahi para sa posisyon sa gabinete.
Hindi maaaring angkinin ng isang indibidwal ang kanyang puwesto sa kagawaran hangga’t hindi kinukumpirma ng Komisyon sa Paghirang. Gayunpaman, nakasaad sa Konstitusyon na maaaring maging acting cabinet secretary ang isang indibidwal bago pa man siya mabigyan ng kumpirmasyon.
Ayon sa Artikulo VII, Seksyon 16 ng Konstitusyon, maaaring maghirang ang pangulo ng sinuman para sa gabinete kahit na nakabakasyon ang Kongreso.Tanggap ang mga paghirang na ito hanggang ipawalang-bisa ng Komisyon sa Paghirang o sa pagtatapos ng susunod na sesyon ng Kongreso.
Sa madaling salita, pinamumunuan ng isang kalihim o secretary na hinirang ng pangulo ng Pilipinas ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman, na siya ring kinokonsiderang alter ego ng pangulo.
Bilang miyembro ng gabinete, ang kalihim ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman ay itinuturing na kinatawan ng pangulo sa mga tungkulin at usaping nasasakop ng kanyang kagawaran. Kung kaya, taglay nito ang kapangyarihang maglabas ng mga kautusang ukol sa kanilang tanggapan, tulad ng mga kautusang pangkagawaran o department order. May bisa lamang ang mga kautusang ito sa departamentong sakop ng kalihim. Nagsisilbi ring tagapayo ng pangulo ang kalihim sa usaping kapaligiran at likas na yaman.
Ang Kalihim ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman, bagama’t nagtataglay ng malawak na kapangyarihan, ay mayroong pananagutan sa bayan at marapat na maging tapat sa pagseserbisyo sa lahat ng oras, gaya rin ng lahat ng opisyal at pinuno ng gobyerno.
Comentarios