ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 1, 2022
Binabati natin ang Gilas Pilipinas na nagwagi laban sa koponan ng Saudi Arabia sa ginanap na FIBA World Cup Qualifiers noong Agosto 29, 2022 sa Mall of Asia Arena. Personal nating sinaksihan ang laban kasama ang mga kapwa natin senador, upang iparamdam ang suporta kasama ang buong sambayanang Pilipino sa kanila.
Nakatutuwa dahil nagwagi ang ating koponan na mismo sa ating bansa ginanap ang laro at eksakto pa sa pagdiriwang natin ng National Heroes Day. Nagpapasalamat tayo sa mga players at sa lahat ng bumubuo sa Gilas Pilipinas na ibinuhos ang lahat ng kanilang makakaya at hindi binigo ang ating mga kababayan sa kanilang panalo.
Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, patuloy nating rerepasuhin ang ating mga polisiya at batas kung paano mas lalo pang masusuportahan ng pamahalaan ang mga atleta na nagbibigay ng karangalan sa ating bansa.
Samantala, kasabay ng ating pagdiriwang ng National Heroes Day sa simula ng linggong ito, ipinaabot din natin ang paggalang at pagkilala sa mga bayaning Pilipino ng makabagong panahon.
Sila ang mga Pilipino na malaki ang naging kontribusyon sa patuloy na pakikipaglaban ng ating bansa sa pandemya at iba pang krisis na atimg kinahaharap, araw-araw.
Kabilang ang medical frontliners and health workers na hindi bumitaw sa pangangalaga sa ating mga kababayan. Hindi nila inalala ang sariling kaligtasan para lang maipagpatuloy ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Nariyan din ang mga pulis at sundalo na malaki ang naging papel sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad. Kabilang din ang mga barangay officials na siyang unang nilalapitan ng kanilang mga nasasakupan.
Ang mga guro na buong giting na itinawid ang edukasyon ng kabataan sa pamamagitan ng online at distance learning. Sobrang bilib ako sa inyo!
Ang mga OFWs na tuloy ang pagsasakripisyo sa ibang bansa para lang may maiuwi sa kanilang pamilya at mabigyan ang kanilang mga anak ng mas magandang kinabukasan.
Ang mga taga-media na walang takot sa patuloy na paghahatid ng makabuluhang balita at tamang impormasyon, partikular sa ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya at iba pang paksa na makakatulong sa taumbayan.
At ang mga manggagawang Pilipino sa pampubliko at pribadong sektor na patuloy na kumakayod sa araw-araw matiyak lang ang produksyon ng ating mga pangunahing pangangailangan, lalo na ang pagkain at paghahatid ng mga serbisyo.
Marami pang iba, tulad ng mga karaniwang tao na nakipagbayanihan makalampas lang tayo sa bawat krisis na ating kinaharap, lalo na kapag may mga sakuna at kalamidad.
At bilang pagkilala sa ating mga makabagong bayani, sa 19th Congress ay isinumite natin ang mga prayoridad na panukalang batas para patuloy na mapangalagaan ang kanilang mga kapakanan at maipaglaban ang kanilang karapatan.
Nariyan ang Advanced Nursing Education Bill para sa patuloy na suporta sa propesyon ng ating mga nurses.
Isinumite rin ang panukalang batas na magkakaloob ng libreng suportang legal sa ating mga pulis at sundalo na nakasuhan habang tinutupad ang kanilang tungkulin.
Para sa mga opisyal ng barangay, nariyan ang Magna Carta for Barangays para mabigyan sila ng karampatang kompensasyon at benepisyo tulad ng mga regular na empleyado ng pamahalaan. Kabilang ang barangay health workers.
Kasama rin ang pagpapalawak ng paggamit ng Special Education Fund para sa dagdag na pondo sa mga eskwelahan at masuportahan ang kanilang operasyon at mga programa, at hindi na gagastos ang mga guro ng sarili nilang pera.
Para sa ating mga marino, ang Magna Carta of Seafarers na titiyak sa kanilang kapakanan at mga karapatan habang nagtatrabaho sa malalayong lugar, at maging kapag tapos na ang kanilang employment.
Sa Senado ay binuo naman ang Committee on Migrant Workers para sa tuluy-tuloy na pangangalaga sa ating OFWs.
Isinusulong din natin ang Media and Entertainment Workers Welfare bill na kung maisasabatas, kailangang malinaw sa kontrata ng taga-media at entertainment industry ang kanilang kompensasyon, benepisyo at proteksyon bago sila magsimula ng trabaho.
Para mapangalagaan ang mga delivery riders, isinumite natin ang Delivery Riders’ Protection bill para protektado sila laban sa mapang-abusong consumers at scammers.
Para sa ating mga manggagawa, nagpanukala tayo na magkaroon ng mga karagdagang dibisyon sa National Labor Relations Commissions para maging mabilis ang pagresolba sa mga labor disputes.
Ang mga pagsisikap na ito ay bilang pagkilala sa kanilang pagiging bayani at kontribusyon nila sa ating pagsulong at pag-unlad. Mabuhay ang mga Pilipino, at patuloy tayong lumingon sa mga naging hangarin ng ating mga bayani at gawin nating gabay sa ating pang-araw-araw na buhay.
Asahan ninyo na hindi mauuwi sa wala ang inyong mga sakripisyo. Kayo ang aming inspirasyon para lalo pang magserbisyo at maipaglaban ang inyong mga naipaglaban mula noon hanggang ngayon upang mabigyan ng mas komportableng buhay ating mga kapwa Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments