top of page
Search
BULGAR

Karampot na kita ng PUV drivers, babawiin sa dagdag-pasahe

ni Ryan Sison - @Boses | March 7, 2022


Sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kani-kanyang daing ang mga grupo at tsuper.


Bukod sa mahal na gasolina, mas maliit na ang kanilang kinikita kahit pa pinapayagan na ang 100% seating capacity sa mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 1, ang pinakamaluwag na alert level.


Dahil dito, naghain ng petisyon ang isang transport group Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa pagtataas ng minimum na pamasahe sa jeep.


Layunin ng grupo na matulungan ang mga tsuper na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa.


Giit pa ng grupo, kakarampot na lang ang kinikita ng mga tsuper dahil sa price hike at sa ngayon, wala pang tugon ang LTFRB sa petisyon.


Malaking tulong na sana ang pagbaba sa Alert Level 1 ng Metro Manila at ilan pang lugar dahil marami nang nakabalik sa kani-kanilang mga trabaho.


Pero sa kabila ng nangyayaring taas-presyo, hindi lamang sa petrolyo, kundi maging sa iba pang bilihin, kakayanin pa ba ng ating mga kababayan ang dagdag-pasahe?

Bagama’t nauunawaan nating napakaraming problema sa bansa na kailangang mabigyang-solusyon, sana’y matutukan din ang isyung ito.


Isa pang, sana’y ‘wag nating maipasa sa mga komyuter ang hirap dahil masyadong mabigat para sa ordinaryong mamamayan ang taas-pasahe, pero kawawa rin naman ang mga drayber kung wala silang kikitain. Baka ang ending, hindi na lang sila papasada dahil sayang ang biyahe kung walang maiuuwi.


Tulad ng paulit-ulit nating pakiusap, maraming nagsisimulang bumangon mula sa epekto ng pandemya at sana’y walang mapag-iwanan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page