ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 18, 2021
Nahaharap pa rin tayo sa matinding laban kontra COVID-19 ngayong 2021, at mukhang maraming challenges pa tayong kailangang malagpasan.
Nangunguna na riyan ang bagong strain ng virus na napabalitang nakapasok na sa ating bansa. Pangalawa ang usapin tungkol sa kung kailan magkakaroon ng bakuna.
Katatapos lang ng Pista ng Itim na Nazareno at hindi napigil ng ating mga awtoridad ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church. Maraming pagkakataong nalabag ang one-meter social distancing base sa mga news reports na lumabas sa araw na 'yun. Nakakaloka!
At take note, marami pang malalaking pista at mga okasyon ang paparating. Ati-Atihan sa Aklan at Sinulog sa Cebu kahapon, January 17, at Dinagyang sa Iloilo sa susunod na linggo. Pati ang Penagbenga sa Baguio sa Pebrero na sinuspinde last year dahil sa pandemya.
Ang problema pa, understaffed na ang ating mga ospital. Maging ang DOH ay aminado na mahina ang kapasidad ng mga pagamutan tuwing buwan ng Enero kung kailan natatapos ang mga job contracts at nagpapalit ng mga tauhan.
Idagdag pa riyan ang mga testing backlogs kaya asahan nang lolobo pa ang kaso ng impeksiyon. Nitong nakaraang linggo nga lang, umakyat na sa dalawang libo kada araw ang nireport ng DOH na new cases.
Ang IMEESolusyon d'yan ay dapat maglatag na agad ng pamamaraan na makapag-dagdag ng mas maraming doktor at nurse bago pa sumipa ulit ang mga kaso ng COVID-19, na posibleng mangyari ngayong buwan.
At IMEESolusyon talaga ay mabigyang prayoridad na sana yung inihain kong panukalang-batas o ang Senate Bill No 1592 noong Hunyo 2019, na nagsusulong ng pagbuo ng medical reserve corps.
Sa ngayon kasi wala naman tayong pagpipilian kundi umasa sa ating mga volunteer para mapalakas ang kapasidad ng ating health care.
Sana nga makita ng ating liderato sa Senado na mahalagang maitatag na agad ang medical reserve corps na ito para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Comments