ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 27, 2024
Halos lahat ay nakatuon na ang atensyon sa papalapit na araw ng Pasko at kasabay nito ay ang mga kabi-kabilang Christmas party at ang bigayan ng mga bonus. Ngunit marami pa rin ang kulang ang kaalaman pagdating sa tinatanggap na bonus — at dapat na maunawaan na hindi bonus ang 13th month pay.
Kilala ang Pilipinas na bansang may pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan dahil sa pagpasok pa lamang ng ‘ber months’ ay nagsisimula na ang marami na magkabit ng mga Christmas decoration at naghahanda ng mga ipangreregalo kahit paunti-unti.
Kasunod nito ay sisigla na ang mga pamilihan at napakarami na namang mga paninda na lahat ay may kaugnayan sa Pasko kaya ang mga kababayan natin, lalo na ang mga may hanapbuhay ay magsisimula namang planuhin kung paano pagkakasyahin ang inaasahang 13th month pay.
Ang 13th month pay ay karaniwang ibinibigay ng mga pinapasukang kumpanya sa bawat manggagawa tuwing Nobyembre 30 bilang karagdagang panggastos para sa isasagawang holiday shopping na bukod sa regular na buwanang suweldo.
Hindi bonus ang 13th month pay dahil sa bisa ng Presidential Decree No. 851, lahat ng employer na mula sa pribadong sektor ay obligadong magbigay ng 13th month pay sa employees kumita man o hindi ang kumpanya, hindi tulad ng bonus na ibinibigay depende sa employer kung maganda ang takbo ng kumpanya.
Ayon sa website ng Department of Labor and Employment (DOLE) lahat ng rank-and-file employees ng kahit isang buwan lamang ay may karapatan na makatanggap ng 13th month pay kahit anong uri pa ng trabaho at kung gaano kalaki ang suweldo. Hindi kailangang maging permanent employee o makabuo ng isang taong pagtatrabaho.
Hindi kabilang sa panuntunan ang mga empleyado ng pamahalaan dahil hindi sila nito sakop ngunit nakatatanggap sila ng year-end bonus, cash gifts at posibleng may karagdagan pa ngunit hindi naman ‘yan ang pinag-uusapan.
Kung ang isang employer ay nagbibigay na ng higit pa sa 13 buwan sa loob ng isang taon, ang naturang kumpanya ay maaari nang hindi magbigay ng 13th month pay at ito ay applicable lamang sa mga tanggapang nagbibigay ng garantisadong bonuses tuwing quarter o semester na kung susumahin sa kabuuan ay mas higit pa sa inaasahang 13th month pay.
Nakalulungkot ding sabihin na hindi rin makatatanggap ng 13th month pay ang mga project-based na employees lalo na ‘yung mga kumikita na nakabase sa komisyon.
May mga employer na buwan pa lamang ng Hunyo ay ibinibigay na ang kalahati ng 13th month pay at ang kalahati ay sa buwan ng Disyembre na pinapayagan naman sa batas basta’t tiyakin lamang na bago sumapit ang Disyembre 25 ay nakumpleto na ang kabuuan ng 13th month pay.
Hindi rin puwedeng makiusap o humingi ng amnestiya ang isang kumpanya na mahina o nakararanas ng pagkalugi na huwag munang magbigay ng 13th month pay at sa halip ay pinapayuhan silang mangutang para hindi lamang maantala ang 13th month pay ng mga manggagawa.
Nag-aalok naman ang pamahalaan ng loans for workers 13th month pay lalo na sa mga maliliit na negosyante o kaya ay ‘yung mga kumpanyang labis na naapektuhan ang negosyo dahil sa kasagsagan ng pandemya kaya walang katuwiran ang mga employer na hindi maibigay ang 13th month pay.
Ngayon, sakaling may mga employer na hindi talaga nagbigay ng 13th month pay sa mga empleyado — maaari silang isumbong sa online sa DOLE Establishment Report System sa report.dole.gov.ph. bago pa matapos ang Enero 15 ng kasunod na taon upang mabigyang aksyon.
Halimbawa namang nawala sa trabaho ang isang empleyado dahil sa kung anong dahilan o kaya ay nag-resign o nagretiro ay maaari pa ring makakuha ng 13th month pay benefit ngunit kailangan lamang kuwentahin kung gaano ang haba pa ng ipinanatili sa kumpanya na may kaakibat na halaga.
Marahil ay maraming kababayan natin ang naliwanagan sa ilan nilang katanungan tungkol sa 13th month pay at malinaw din na marami sa ating mga kababayan ang ngayon pa lamang ay inaasahan na mapasakamay nila ang biyayang ito.
Pero alam n’yo ba na may panawagan ang Simbahang Katoliko na hindi tama ang ‘ber months’ o ang mahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan at hindi umano dapat gawing commercial celebration ang araw ng Pasko.
Ang nagbigay ng paalala hinggil dito ay ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na tila nababahala sa maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa tuwing sumasapit ang buwan ng Setyembre.
Pinaninindigan ng simbahan na hindi kailanman hinihikayat o sinusuportahan ng simbahan ang maagang pagsisimula ng Pasko sa bansa dahil taliwas umano ito sa Liturgical calendar ng Simbahang Katoliko.
Wala umanong kinalaman ang simbahan kung paano nagsimula ang ‘ber months’ celebration sa bansa o ang pagpasok ng September, October, November at December – halos apat na buwan bago mag-Pasko dahil isa umano itong malaking pagkakamali kung iuugnay ang simbahan at mariin nila itong tinututulan.
Kaya huwag magpadala sa bugso ng kalakaran na likha ng mga negosyante at ilaan ang ating 13th month pay at bonus sa mas kapaki-pakinabang na gastusin dahil ang diwa ng Pasko ay nagsisimula sa Simbang Gabi at sama-sama ang buong pamilya na magsimba sa mismong araw ng kapanganakan ng Panginoon.
Huwag ubos-ubos biyaya para sa pagpasok ng Bagong Taon ay may nakatabi tayong ipon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Kommentare