ni Nitz Miralles @Bida | July 31, 2024
Nakakatuwa ang mga fans nina Heart Evangelista at Pia Wurtzbach dahil isinasali nila sa ini-imagine nilang isyu ng dalawa ang ibang celebrities na wala namang kinalaman sa kani-kanilang idolo.
Gaya na lang ni Nadine Lustre na nakasama ni Heart sa isang event sa Makati. Naalala ng mga fans ni Heart na nagkasama sina Nadine at Pia sa isang event sa ibang bansa, nag-photo shoot ang dalawa at ipinost sa kani-kanyang Instagram (IG), kaya inakala agad ng mga fans ni Heart na maka-Pia si Nadine.
Kaya nang sina Nadine at Heart naman ang nagkasama, may mga nag-comment na hindi like ni Nadine si Heart dahil crush ni James Reid si Heart. At dahil doon, si Pia ang sinusuportahan nito.
Hindi naisip ng mga nag-comment na matagal nang break sina Nadine at James at hindi na nga yata maalala ni Nadine na crush ng ex niya si Heart.
May nag-comment pa na hindi belong si Nadine na makasama nina Heart at Karen Davila, na inalmahan ng mga supporters ng una. Lumala pa ang isyu dahil pinagkumpara sina Nadine at Heart.
Speaking of Nadine, nabalitang magkakasama sila ni Alden Richards sa isang horror movie to be directed by Zig Dulay.
Maaalalang nakipag-Zoom meeting si Nadine sa mga bosses ng GMA Pictures at GMA Public Affairs. Ito na yata ang rason ng meeting na ‘yun at ang pelikulang gagawin nila ay for 2025 na raw dahil pareho silang busy this year.
Pinuri ng mga netizens si Rhian Ramos dahil hindi lang nag-donate para sa relief goods, tumulong din sa garbage clean-up sa Quezon City kasama ang boyfriend na si Sam Verzosa.
Nakansela raw ang taping niya (for Sang’gre), kaya sa halip na mag-workout at magbuhat ng weights, mas piniling magbuhat ng basura.
Sa likod ni Rhian, makikita ang gabundok na basura. Sila rin ni Sam ang nagdala ng equipment para maghakot ng basura para nga naman mas madaling mahakot ang mga ito. Nakipag-coordinate sina Rhian at Sam sa local government para walang sabit at walang magsabing umepal lang sila.
Tama ang sinabi ni Rhian na dahil sa Bagyong Carina, naipon ang basura at kailangang magtulung-tulong ang lahat para malinis ang paligid at walang magkasakit.
Aniya, “It was an uplifting experience to see heavy equipment and cleaning professionals also pouring in from other parts of Metro Manila to help clear the streets of district 4, QC.”
Pinasalamatan ni Rhian si Sam, “for being a good boyfriend, a helpful neighbor and an active servant of the country.”
Tutulong sana ang ilang kaibigan at mga fans ni Rhian sa clean-up, pero hindi sila pinayagang lumapit sa basura.
Iyon nga lang, tumulong na nga si Rhian, may nasabi pa rin ang ibang tao. Hindi na raw niya dapat in-announce na tumulong siya, bagay na sinagot agad ng mga fans ni Rhian.
Tama raw ang ginawa ni Rhian to announce what she did para ma-inspire ang tao na tumulong din. Para rin makita ng mga nagkakalat ng basura ang masamang epekto ng kanilang ginagawa at nagiging dahilan ng baha tuwing may bagyo.
Speaking of Rhian, pinuri siya sa mahusay na pagganap sa role ni Fina dela Cruz sa Pulang Araw.
Sa pilot episode lang lumabas ang karakter ng aktres, pero dahil sa husay, tumatak nang husto ang karakter niya bilang ina ng mga batang gumanap sa role nina Barbie Forteza at Alden Richards.
Number one sa Netflix Philippines ang Pulang Araw at nag-trending din ang pilot episode sa GMA-7. Ang daming nagkagusto sa historical drama series na mula sa direction ni Dominic Zapata.
Nagkasakit pala si Gerald Anderson pagkatapos lumusong sa baha para tulungan ang mga na-stranded.
Ipinost nito sa kanyang Instagram (IG) ang dalawang capsule na hawak niya at may caption na: “Last day of meds from the bottom of my heart, thank you everyone for all the love & concern.”
Nakita rin si Gerald sa St. Luke’s Medical Center kasama si Julia Barretto. Ibig sabihin, nagpa-checkup siya bago inumin ang hawak na gamot. Kaya, walang dapat ipag-worry ang mga fans ng aktor na baka wrong medicine ang iniinom nito.
May mga natakot for Gerald dahil baka nagka-leptospirosis na pala siya kahit walang open wound nang lumusong sa baha, at puwede pa ring magkasakit.
Pero, okey na siya at handa na uling tumulong sa mga nangangailangan.
Commentaires