top of page
Search

Kapulisan, tutok sa ligtas at maayos na halalan

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 6, 2025



Boses by Ryan Sison

Dahil sa kabi-kabilang krimen na naire-report sa iba’t ibang lugar sa bansa, hindi naman tumitigil ang kapulisan sa pagtugis sa mga salarin.   


Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), umabot na sa 1,886 ang mga naarestong suspek, wanted persons at mga kriminal nitong February.


Batay sa tala ng kagawaran, nasa 459 foreigners kung saan 429 dito ay hinihinalang sangkot sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at internet gaming licenses (IGLs) ang kanilang dinakip.


Sa isinagawang 1,047 law enforcement operation, sinabi ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre, na pinagtuunan nila ng pansin ang mga wanted persons at fugitives, criminal gang members, fake medical doctors at practitioners, illegal gambling at marami pang iba. Gayundin, nakakumpiska sila ng mga armas, explosives, assorted magazines at ammunitions.


Binigyang-diin naman ni Torre na pinaigting nila ang kanilang pagsisikap laban sa mga kriminal, mga wanted at mga pugante upang mapahusay ang pag-iwas sa mga krimen at mapalakas ang puwersa ng pulisya. Aniya, layunin din ng hakbang na ito na matiyak ang ligtas at mapayapang pagsasagawa ng eleksyon sa May 2025.


Tiniyak din ng opisyal sa publiko na ang CIDG ay matatag, hindi natitinag at nagbabantay sa lahat ng dako upang ipatupad ang batas, pigilan at lutasin ang mga krimen, hulihin ang mga kriminal at papanagutin. 


Mabuti at ginagawa ng ating mga kapulisan ang kanilang trabaho habang walang tigil sa pagtugis sa mga kawatan at masasamang-loob.


Sa ganitong paraan kasi ay nababawasan ang puwedeng mabiktimang kababayan habang nabibigyan naman ng hustisya ang kanilang mga nabiktima.


Kung paiigtingin pa nila ang pagsugpo sa mga krimen, marahil mas magiging mapayapa at tahimik ang ating mga komunidad.


Hiling lang natin sa mga otoridad na sana bukod sa ginagawang pagpapatupad ng batas ay paghusayin din ang paglilinis nila sa kanilang hanay upang tuluyang maibalik ang pagtitiwala sa kanila ng taumbayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page