ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 6, 2024
Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Alejandro Santos y Dilizo III, alias “Angaw” (CA-G.R. CR NO. 46414, January 18, 2024).
Binigyang-diin sa kasong ito ang kahalagahan ng malinaw na pagtukoy sa may-akda ng krimen. Kahit pa napatunayan ang naganap na krimen, kung hindi naman malinaw na natukoy ang akusadong gumawa nito, hindi pa rin siya dapat maparusahan. Patas ang batas at walang buhay dapat ang sa kulungan ay magwakas.
Sa tulong ng Manananggol Pambayan, ang karapatan ng akusado sa kasong ito ay naipaglaban. Ang mga nauna niyang pagdaing ay natuldukan nang makamit niya ang tagumpay ng katarungan.
Si alyas “Angaw” ang inakusahan at sinampahan ng kasong Robbery in an Inhabited House, sa Artikulo 299 (a) ng ating Revised Penal Code.
Batay sa bersyon ng tagausig, pinasok umano ni Angaw ang bahay ng pribadong biktima na si Chona sa pamamagitan ng pagsira ng pintuan at bintana ng nasabing bahay. Kinuha umano ni Angaw ang mga gamit ni Chona – isang laptop, apat na cellphones, isang shoulder bag na naglalaman ng wrist watch, at wallet na naglalaman ng pera. Ang kabuuang pinsala na tinamo ng biktima ay nagkakahalaga ng P28,500.00.
Naganap ang nasabing pagnanakaw noong Hulyo 13, 2012. Nagising si Chona bandang alas-2 ng hatinggabi dahil sa sigaw ng kanyang pamangkin. Nakita na lamang umano ni Chona si Angaw na tumatakbong palabas ng kanyang bahay at dala-dala ang cellphone. Sinubukan diumanong habulin ni Chona si Angaw, ngunit hindi siya nagtagumpay.
Noong araw ring iyon ay dinala umano ng mga pulis si Angaw sa barangay upang maimbestigahan. Umamin diumano si Angaw sa nagawang krimen at sinabi na ang ninakaw na laptop ay nasa Metropolis.
Para sa depensa, mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Angaw. Kanya ring itinanggi ang alegasyon na siya ay umamin sa mga pulis. Bagkus, ibinaling ni Angaw ang sisi kina “Niño” at “Negro” na nakalaro niya umano ng basketball.
Ayon kay Angaw, nakiusap umano ang dalawa na maki-charge ng laptop sa kanyang bahay. Pumayag umano si Angaw at nang kuhanin na ng dalawa ang nasabing laptop, ipinaalam diumano sa kanya ng dalawa na ibebenta nila ang nasabing laptop kay “Ate Sam” na nasa Metropolis.
Nagulat na lamang umano si Angaw nang mayroong mga pulis na pumasok sa kanyang bahay at siya ay inaakusahan ng pagnanakaw. Tinuro umano ni Angaw ang bahay nina Niño at Negro. Subalit hindi umano nakita ng mga pulis ang dalawa, tinanong diumano siya ng mga ito kung saan dinala ang laptop. Sinabi umano ni Angaw na ipinagbili ito sa isang nagngangalang “Ate Sam” sa Metropolis. Nang makuha na umano ng mga pulis ang naturang laptop ay sinampahan siya ng reklamo.
“Guilty” ang ibinabang hatol ng Regional Trial Court (RTC) kay Angaw. Maliban sa parusa na pagkakakulong ay pinagbabayad ng hukuman si Angaw ng danyos.
Agad namang naghain ng apela si Angaw sa Court of Appeals (CA). Iginiit niya na ang extrajudicial confession na nakuha mula sa kanya ay labag sa kanyang karapatan sa ilalim ng ating Saligang Batas. Iginiit din ni Angaw na dapat isantabi ang testimonya ni Chona na itinuturo siya bilang salarin sapagkat binawi umano ni Chona ang naturang testimonya at inamin na hindi umano nito nakita na ginawa ni Angaw ang pagnanakaw. Giit pa ni Angaw na wala umanong kredibilidad bilang testigo si Chona sapagkat inamin umano nito na hindi ito pamilyar sa itsura ng nasakdal at tanging ang palayaw lamang na “Angaw” ang alam umano nito.
Ipinaalala ng CA, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alfredo D. Ampuan (CA, 13th Division), ang kahalagahan ng pagpapatunay ng tagausig sa dalawang bagay: una, ang pagkakakilanlan ng may-akda ng krimen; at ikalawa, ang aktuwal na paggawa ng krimen.
Para umano sa CA, kinapos sa mga mahahalagang detalye ang ebidensya na isinumite ng tagausig upang matukoy ang pagkakakilanlan ng may-akda ng krimen.
Napuna umano ng appellate court sa sinumpaang salaysay ni Chona na bagaman nakita nito na palabas ng kanyang bahay si Angaw ay hindi nito nakita na pumasok ang nasasakdal sa kanyang bahay. Hindi rin umano naitaguyod ng tagausig kung sapat bang naiilawan ang lugar kung saan sinasabi ni Chona na nakita niya ang isinasakdal noong siya ay biglang magising, pati na kung papaano nito nakilala na si Angaw nga ang magnanakaw noong hinahabol nila ang naturang magnanakaw. Hearsay din umano ang testimonya ni Chona ukol sa nawalang laptop sapagkat hindi umano siya ang nakakita, bagkus ang kapitbahay lamang umano ni Chona ang nagsabi sa kanya ukol dito.
Ang pagkabigo ng tagausig na maipakita ang mga mahahalagang detalye at sirkumstansya na mag-uugnay kay Angaw sa krimen ay nagdulot ng pag-aagam-agam sa isipan ng CA kung si Angaw nga ba ang totoong may-akda nito. Bagaman mahinang depensa umano ang pagtanggi at alibi, isasantabi lamang ang mga nasabing depensa kung positibo na nakilala ang salarin at naitaguyod ang paggawa nito ng krimen. Para sa CA, nabigo umano ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ni Angaw.
Hindi rin umano maaaring tanggapin ang sinasabing pag-amin ni Angaw dahil ito ay labag sa itinakda ng ating Saligang Batas sapagkat hindi umano siya binasahan ng kanyang mga karapatan bilang inaakusahan at wala siya umanong abogado noong isinagawa ang naturang pag-amin.
Sapagkat hindi umano napatunayan na si Angaw ang may-akda sa nakawang naganap sa bahay ng biktima, nagbaba ng desisyon ng pagpapawalang-sala ang CA. Ang nasabing desisyon ay naging final and executory noong Enero 18, 2024.
Para sa mga kababayan natin na mayroong pinagdaraanan na masalimuot o sadyang hindi maganda, lalo na ang may mga kinakaharap na kaso na kung saan sila ang akusado, huwag kayong mawalan ng pag-asa. Kung sadyang hindi n’yo ginawa ang anuman na sa inyo ay inaakusa, manalig lamang, patuloy na magdasal at huwag mawalan ng tiwala, dahil darating din ang panahon at mananaig din ang katotohanan. Matatamo n’yo rin ang karapat-dapat na kalayaan – mula sa hukuman at sa Diyos Ama.
Comments