ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 12, 2024
Sa ikaapat na Lunes nitong Abril ang ika-54 pagdiriwang ng Earth Day, ang araw para sa malawakang pagpapahalaga sa planetang ating tahanan.
Bagama’t sa Amerika naitatag ang kauna-unahang Earth Day, hindi maikakailang kahit alin mang bansa sa mundo at sinumang tao ay nasasaklawan ng mga hangarin ng taun-taong makabuluhang araw na ito.
At kung napakalaki ng ating mundo, gayundin ang lawak at dami ng suliraning kinakaharap ng sangkatauhan upang mapanatiling busilak at buhay ang ating nag-iisang tirahan sa buong sanlibutan.
Sa gitna ng sandamakmak na iba’t ibang uri ng kapinsalaang patuloy na nagaganap saan mang sulok ng mundo simula pa noon, minarapat ng grupong Earthday.org ang pagkakaroon ng natatanging paksa sa bawat taong pagdiriwang ng kahalagahan ng ating planeta.
Ang itinalagang tema sa kasalukuyang taon ay Planet vs. Plastics, sa gitna ng patuloy na paglaganap ng gabundok na sakit ng ulo, ng pangangatawan, lalo na ng kalupaan at karagatan, dulot ng walang puknat na paggamit ng plastik sa napakaraming paraan sa araw-araw.
Maging napakalaki man ng pagsubok na pangkalikasan, mayroon pa rin tayong maaaring magawa, anuman ang ating katayuan sa lipunan. Gaya ng naipamalas noon pa ni Madre Teresa, huwag tayong panghinaan ng loob dahil sa laki ng mga suliranin. Sa halip, unahin natin ang pagtulong sa pinakasimpleng paraan at huwag magsawang magpatuloy lamang.
Sa usaping plastik pa lang, maraming maliliit na aksyon ang maaari nating gawing kaugalian na malaki ang maitutulong sa kalaunan. Bansagan natin ang mga ito bilang “imbes-ments.”
Imbes na ipalagay sa plastik na supot ang ating mga pinamili sa anumang maliit o malaking tindahan, magbaon ng mga eco bag at doon ilagay ang mga binili.
Imbes na uminom ng tubig mula sa isang plastik na bote na minsan lang gagamitin (at ayon sa mga siyentipiko ay mayroong microplastics na makakapasok sa mismong daluyan ng ating dugo), magbaon ng tubig sa sariling hindi plastik na botelya na magagamit natin muli. Imbes na ipasupot ang pandesal mula sa panaderya o maging ang gulay o karne mula sa palengke, piliing magdala ng sariling baunan na maaaring mahugasan at magamit nang paulit-ulit.
Imbes na itapon sa basurahan ang anumang plastik, ipunin ang mga ito at ipasa sa dumarami nang mga waste-preneur na kumpanya. Maaaring i-upcycle ang mga plastik na ito sa paggawa ng materyales na siya namang panggawa ng pader, lakaran at iba pa.
Imbes na basta na lamang itapon ang gamit na plastik, maaari ring makabuo ng tinatawag na ecobricks o plastik na bote na pinuno nang todo ng daan-daang retaso o ginupit-gupit na plastik para maging kasing tibay ng mga ladrilyo o bricks at maaaring gamiting materyal na pang-konstruksyon. Naituro nga ito sa mga estudyante ng University of the East noon pang 2019 at nagkaroon pa sila ng ecobricks formation na binuo ng daan-daang nagawang ecobricks ng kanila mismong mga mag-aaral.
Usaping plastik pa lang ito, at ilan lamang iyan sa mga munting paraang puwede nating magawa tungo sa paglutas ng nakapipinsalang kaplastikan! Mga solusyong nawa’y pumukaw sa ating mga lingkod bayan para gamitin nila ang kanilang kapangyarihan sa ikabubuti ng ating Inang Kalikasan. Asintaduhin natin ang tunay na pagmamalasakit sa ating nag-iisang daigdig.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentários