top of page
Search
BULGAR

Kape, nakakababa ng blood sugar level

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Oct. 22, 2024




Dear Doc Erwin,


Ako ay 26 years old, at kasalukuyang empleyado sa isang national government agency. Ako ay inyong masugid na tagasubaybay.


Dahil ang aking mga magulang ay parehong may sakit na diabetes ay minabuti ko na regular na magpa-check ng aking blood sugar level. Ang payo ng isang nutritionist ay uminom ako ng kape dahil ito ay makakatulong na mapanatiling mababa ang aking blood sugar. May basehan ba ang payo na ito? May pag-aaral na ba tungkol sa epekto ng kape sa blood sugar?


– Alisandro


 

Maraming salamat Alisandro, sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ayon sa pinakabagong pananaliksik, nakakatulong magpababa ng blood sugar level ang kape (coffee), at iba pang inumin na may sangkap na caffeine katulad ng tsaa (tea). Ito ang resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa pangunguna ni Dr. Xujia Lu mula sa Suzhou Medical College of Soochow University sa bansang China na inilathala nito lamang September 17, 2024 sa Journal of Clinical Endocrinology and Metabolism.


Sa pag-aaral na nabanggit, ang mga indibidwal na umiinom ng tatlong tasang kape sa isang araw, na may katumbas na 200 milligrams (mg) hanggang 300 mg ng caffeine, ay mas mababa ng mahigit sa 48 porsyento ang risk na magkaroon ng sakit na diabetes, sakit sa puso at stroke kumpara sa mga indibidwal na hindi umiinom ng kape o sa mga umiinom ng isang tasang kape o katumbas ng mas mababa sa 100 mg ng caffeine.


Ayon sa mga dalubhasa, ang pagbaba ng risk na magkaroon ng sakit na diabetes, sakit sa puso at stroke ay dahil sa epekto ng kape (o sa sangkap nito na caffeine) na pagbaba ng blood sugar level. Ito ay dahil sa pinapaigting ng caffeine ang epekto ng insulin sa ating katawan, dahilan kung bakit mas bumababa ang blood sugar level. Dahil dito bumababa ang risk na tayo ay magkaroon ng diabetes.


May anti-inflammatory effect din ang kape kaya’t bumababa ang risk ng mga coffee drinker na magkaroon ng sakit sa puso (coronary heart disease). Bukod dito, sa tulong ng caffeine, na sangkap ng kape, ay mas mahusay ang paggamit ng ating katawan ng taba (fat) bilang source of energy. Ito ay nakakatulong upang maging mas malusog ang ating katawan at bumaba ang posibilidad na magkaroon ng diabetes, sakit sa puso at stroke.


Tandaan lamang na ang mga mabubuting epekto ng kape na nabanggit ay nakikita lamang sa mga “moderate coffee drinkers” o doon sa mga umiinom ng 2 hanggang 3 tasa ng kape. Ito ay katumbas ng 200 mg hanggang 300 mg ng caffeine. 


Ayon sa Food and Drug Administration (FDA) ng bansang Amerika dapat limitahan ang pag- inom ng kape hanggang 4 o 5 tasa lamang sa isang araw upang makaiwas sa mga negative effects ng kape, katulad ng insomnia, depresyon, sakit ng ulo, pagtaas ng blood sugar at pagsakit ng sikmura.


Sana ay nakatulong sa inyo ang mga impormasyon na nabanggit. Kumonsulta sa inyong doktor, kumain ng katamtaman, mag-ehersisyo, at sapat na pagtulog at pahinga ang inyong kailangan upang mapanatili ang kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page