ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 28, 2023
Ipinagdiriwang ngayong araw na ito ang Eid al-Adha o ang the Feast of Sacrifice — isa sa mahahalagang okasyon ng ating mga kapatid na Muslim. Idineklara ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang national holiday. Ang Eid al-Adha ay isang selebrasyon kung kailan ang mga Muslim sa buong mundo ay nagsasama-sama para manalangin, bumisita sa kanilang mga pamilya at kaibigan, at nagpapalitan ng regalo.
Para sa ating mga kapatid na Muslim, ipinapaabot ko ang aking pagbati sa inyong pagdiriwang ng Eid al-Adha. Ipagkaloob nawa sa inyo ni Allah at sa inyong pamilya ang kapayapaan at kasaganahan. Ang inyong pananampalataya sa Kanya ay masuklian sana ng kaligayahan at tagumpay — hindi lang ngayon kundi habambuhay. Nakikiisa ako sa inyong dakilang selebrasyon.
Anuman ang ating pananampalataya, sana ay unawain at isapuso natin ang mga aral na sinisimbulo ng araw na ito para sa ating mga kapatid na Muslim. Magmalasakit tayo sa kapwa at unahin ang kapakanan ng mga mas nangangailangan. Tandaan natin na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Samantala, wala namang pinipiling araw ang aking tanggapan sa paghahatid ng serbisyo sa abot ng aming makakaya.
Biyaheng Ilocos Sur tayo noong June 26 at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong, katuwang si Governor Jerry Singson, para sa 960 mahihirap na residente ng Vigan City.
Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng medical, burial, at food assistance. Bumisita rin tayo sa Malasakit Center na nasa Ilocos Sur Provincial Hospital doon upang magbigay ng tulong sa mga pasyente at frontliners.
May hiwalay ring tulong ang Department of Social Welfare and Development para sa mga pasyente. Pinasalamatan natin ang ating mga kasama sa pagseserbisyo tulad nina former Governor Chavit Singson, Vice Governor Ryan Singson, Vigan City Mayor Bonito Singson, Vice Mayor Randy Singson, Caoayan Mayor Germy Goulart at iba pang lokal na opisyal ng Ilocos Sur.
Nang araw ding iyon ay dumiretso tayo sa Bgy. Bulag sa Bantay para tingnan ang lokasyon ng itatayong Super Health Center doon, sa tulong na rin ng Department of Health, mga kapwa ko mambabatas, at ng lokal na pamahalaan sa pamumuno nina Mayor Samuel Parilla at Vice Mayor Sammy Parilla.
Bilang chair ng Senate Committee on Health ay aktibo tayong sumusuporta sa mga organisasyong pangkalusugan at iba pang sektor. Noong June 25 ay sinaksihan natin ang pagtatalaga ng Philippine Pharmacists Association, Inc. (PPhA) ng kanilang officers and trustees sa Taguig City kasama si Rep. Anthony Golez, Jr. Ang PPhA ay isang accredited integrated association ng mga rehistrado at lisensyadong pharmacists sa ating bansa na kinikilala ng Professional Regulation Commission.
Magkasama naman kami ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong June 24 at dinaluhan namin ang imbitasyon ng organizer ng Tatay Digong Diehards para sa isang reunion sa San Juan City.
Nakatutuwang makita ang mga patuloy na nagmamahal kay Tatay Digong na mula noon hanggang ngayon ay suportado pa rin siya kahit retirado na. Ito ay matapos akong mag-attend bilang guest speaker, at para saksihan ang induction at oath taking ceremony ng mga bagong miyembro ng Davao City Global Eagles Club na ginanap sa Waterfront Insular Hotel sa Davao City. Masaya tayo na patuloy ang pagdami ng mga miyembro ng samahan na ang adhikain ay magbahagi ng kanilang serbisyo sa mga Pilipino.
Hindi naman tumitigil ang aking opisina sa pag-iikot sa buong bansa para alalayan ang mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap na nabigyan ng tulong ang 18 residente ng Bgy. Manoc Manoc, Malay, Aklan na naging biktima ng sunog.
Napagkalooban din ng tulong ang mga mahihirap na residente gaya ng 700 sa Laak, Davao de Oro.
Sa Antique, napagaan ang dalahin ng 212 na taga-San Jose de Buenavista, at 38 pa sa Culasi. Nag-iwan din tayo ng ngiti sa mga labi ng mga miyembro ng iba’t ibang sektor sa Surigao del Sur gaya ng 488 benepisyaryo sa Bislig City at 95 pa sa Hinatuan.
Walang pinipiling oras o panahon ang paglilingkod sa kapwa, ang pagmamalasakit at paghahatid ng serbisyo. Masaya akong makita na sa aking munting nakayanan at kapasidad ay may mga kababayan tayong higit na nangangailangan na ang dalahin sa buhay ay ating napagaan. Hindi ako pulitiko na mangangako, sa halip, makikita ito sa aking mga ginagawa at hindi sa salita.
Hindi ninyo kailangang magpasalamat sa amin bilang inyong lingkod bayan. Sinusuklian ko lang ang tiwala na patuloy ninyong ibinibigay sa akin sa pamamagitan ng isang maaasahan at tunay na may malasakit na pagseserbisyo sa abot ng aking makakaya sa aking kapwa Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, mga pinakanangangailangan at walang ibang matakbuhan kundi ang gobyerno.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
留言