top of page
Search

Kapatid na ayaw pumirma sa kaso

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 25, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nais na naming hatiin ng aking bunsong kapatid ang lupang ipinamana ng aming mga magulang sa aming apat na magkakapatid. Subalit, ang aming panganay at ikatlong kapatid ay tumatangging hatiin ang lupa. Dahil dito, napag-isipan kong maghain na ng kasong judicial partition. Sa kasamaang-palad, sinabi sa akin ng bunso naming kapatid na ayaw niyang mapabilang sa nasabing kaso. Hindi rin diumano siya pipirma para rito.  Puwede ko ba siyang isama sa kaso kahit ayaw niyang pumirma? — Ceej


 

Dear Ceej,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 10 ng Rule 3 ng A.M. No. 19-10-20-SC na may petsang 15 Oktubre 2019, o mas kilala bilang “2019 Amendments to the 1997 Rules of Civil Procedure.” Sang-ayon sa nasabing probisyon:


Section 10. Unwilling co-plaintiff. – If the consent of any party who should be joined as plaintiff cannot be obtained, he may be made a defendant and the reason therefor shall be stated in the complaint.”


Samakatuwid, ang isang taong dapat na kasama bilang plaintiff o nagrereklamo, ngunit ayaw pumayag o pumirma sa kaso, ay maaaring isama pa rin sa kaso; ngunit hindi bilang isang plaintiff, kung hindi bilang isang defendant. Kinakailangan lamang itong ipaliwanag sa complaint, upang maunawaan ng husgado.


Gaya sa iyong kaso, ang bunso ninyong kapatid na nagnanais sanang hatiin na ang lupa, ay maaaring isama sa kaso bilang isang defendant, kung hindi niya nais na sumama sa kaso. Ito ay upang magkaroon ng ganap na resolusyon ang mga isyu.  


Dapat na malaman na hindi maaaring pigilan ang isang partido na pumunta sa husgado upang magkaroon ng resolusyon ang mga isyu na nais niyang ilapit nang dahil lamang mayroon siyang dapat na kasamang partido na ayaw magbigay ng permiso sa pagsasampa ng kaso, o ayaw sumali sa kaso. Sa pagkakataon na ito, ang mga ayaw sumali sa kaso ay maaaring isama bilang defendant kahit na hindi magkasalungat ang kanilang mga interes. Ito ay dahil kailangang maisama ang lahat ng mga kailangang partido sa kaso upang ganap na madinig ng korte ang mga isyu at sa gayon ay mapagdesisyunan ang karapatan at obligasyon ng bawat sangkot na partido.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page