ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 11, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako at ang aking nobya ay nagbabalak na magpakasal. Nabanggit ng aming kapitbahay na maaari kaming lumapit sa opisina ng aming mayor upang sa kanya magpakasal.
Nais ko sanang gawin ito nang tama kaya nagsaliksik ako sa batas na tinatawag na Family Code at hindi ko nakita roon na mayroong awtoridad ang mga mayor na magkasal. Mayroon ba talagang awtoridad ang mga mayor na magkasal? - Marlon
Dear Marlon,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 444 (b)(1)(xviii) ng Local Government Code of the Philippines. Sang-ayon sa nasabing probisyon:
“SECTION. 444. The Chief Executive: Powers, Duties, Functions and Compensation. (a) The municipal mayor, as the chief executive of the municipal government, shall exercise such powers and perform such duties and functions as provided by this Code and other laws.
(b) For efficient, effective and economical governance the purpose of which is the general welfare of the municipality and its inhabitants pursuant to section 16 of this Code, the municipal mayor shall:
(1) Exercise general supervision and control over all programs, projects, services, and activities of the municipal government, and in this connection, shall: xxx
(xviii) Solemnize marriages, any provision of law to the contrary notwithstanding;”
Kagayang probisyon din ang matatagpuan sa Section 455 (b)(1)(xviii) ng parehong batas.
Ito ang naglalatag ng awtoridad at nagbibigay kapangyarihan sa isang municipal o city mayor na magkasal ng mga indibidwal mula sa kani-kanilang hurisdiksyon. Dahil ito ay sumunod na batas na naipasa pagkatapos ng Family Code, ito ay makokonsiderang pag-amyenda sa Family Code. Dahil dito, ang mga alkalde ng munisipalidad o siyudad ay kinikilalang may kapangyarihan na magkasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Commenti