ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 17, 2023
Ang Kagawaran ng Katarungan, o madalas tawagin sa Ingles na “Department of Justice” o “DOJ”, ay isang departamento sa ilalim ng Ehekutibong Sangay ng Pamahalaang Pilipinas na responsable sa pagtataguyod ng panuntunan ng mga batas sa Pilipinas.
Ang Kagawaran ng Katarungan ay isang institusyon na nangangasiwa sa kriminal na sistema ng hustisya ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga krimen, pag-uusig sa mga nagkasala, at pangangasiwa sa sistema ng pagwawasto.
Ang departamento ay pinamumunuan ng Kalihim ng Kagawaran ng Katarungan (“Kalihim”). Ang Kalihim ay hinihirang ng Pangulo ng Pilipinas at kinukumpirma ng Komisyon sa Paghirang o madalas tawagin sa Ingles na “Commission on Appointment.”
Ang Kalihim ay isang miyembro ng gabinete. Sa kasalukuyan, ang kalihim ng Kagawaran ng Katarungan ay si Hon. Jesus Crispin C. Remulla.
Sa pagpasa ng 1987 Konstitusyon at ng Kodigo ng Pamamahala, taong 1987 (“Atas Tagapagpaganap Bilang 292”), pinangalanan ang Kagawaran ng Katarungan bilang punong ahensya ng Republika ng Pilipinas na nagsisilbing tagabigay ng legal na payo at siya ring braso ng pag-uusig. Dahil dito, ayon sa Kodigo ng Pamamahala taong 1987, ang Kagawaran ng Katarungan, sa pangunguna ng Kalihim, ay may mga sumusunod na kapangyarihan at tungkulin, katulad ng mga sumusunod:
(1) Kumilos bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan at bilang tagapagbigay ng legal na payo at kinatawan nito, kung kailan kinakailangan;
(2) Magsiyasat sa mga komisyon ng mga krimen, mag-usig sa mga nagkasala at mangasiwa ng sistema ng pagwawasto;
(3) Palawakin ang libreng legal na tulong/representasyon sa mga indigents at mahirap na litigante sa mga kaso ng kriminal at di-komersyal na mga hindi pagkakaunawaan na sibil;
(4) Panatilihin ang integridad ng mga pamagat ng lupa sa pamamagitan ng wastong pagrehistro;
(5) Mag-imbestiga at mag-arbitrate ng mga hindi pagkakaunawaan sa lupa na kinasasangkutan ng maliliit na may-ari ng lupa at mga miyembro ng mga katutubong pamayanang pangkultura;
(6) Magbigay ng mga serbisyo sa regulasyon ng imigrasyon at naturalization, at ipatupad ang mga batas na namamahala sa pagkamamamayan at ang pagpasok at pananatili ng mga dayuhan;
(7) Maglaan ng legal na serbisyo sa pambansang pamahalaan at ang mga functionaries nito, kabilang ang mga korporasyong pag-aari ng pamahalaan o kinokontrol na mga kumpanya at kanilang mga subsidiaries;
(8) Gawin ang iba pang mga tungkulin na maaaring maibigay ng batas.
Gayunpaman, bilang kagawarang sangay ng ehekutibong departamento ng Pamahalaang Pilipinas, ayon sa Konstitusyon sa Artikulo VII, Seksyon 17, ito ay nasa ilalim ng direktang kontrol at superbisyon ng pangulo sa pamamagitan ng mga kalihim o miyembro ng gabinete na kanyang itinatalaga.
Yamang mayroong mga kapangyarihan at responsibilidad, bilang opisyal ng gobyerno, gaya ng nabanggit sa itaas, ang Kalihim ay may kapanagutan bilang isang pinunong bayan lalo sa usapin ukol sa pagtataguyod ng katarungan sa Pilipinas. Gayunpaman, katulad ng lahat ng opisyal at pinuno ng gobyerno, ang kalihim ay may pananagutan sa bayan at dapat ay maging tapat sa pagseserbisyo sa lahat ng oras.
Comments