top of page
Search

Kapampangan, natakasan ang Biñan sa President's Cup

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 2, 2023




Mga laro ngayong Linggo – Angeles University Foundation

4:30 p.m. Binan vs. Bulacan

6:30 PM Santa Rosa vs. Kapampangan


Nagpakilala ng mabuti ang KBA Luid Kapampangan sa makapigil-hiningang 100-98 pagtakas sa palaban na Tatak GEL Biñan sa pagpapatuloy ng 2023 National Basketball League (NBL) President’s Cup noong Biyernes sa Dueñas Gym sa Taguig City. Hindi nagpahuli ang Taguig Generals at umuwing masaya ang kanilang tagahanga matapos ng 98-84 panalo sa bisitang Santa Rosa Lions sa tampok na laro.

Ipinasok ni Jerico Isidro ang nagpapanalong buslo para sa Kapampangan na may limang segundo sa orasan. May pagkakataon pa ang Biñan subalit sinupalpal ni Christian Garcia ang tira ni Raymart Amil sabay ng huling busina.

Bago noon, tinabla ni Lhancer Khan ang laro sa kanyang free throw, 98-98, at 36 segundo ang nalalabi. Nagmintis ang pangalawang tira ni Khan upang buksan ang pinto para sa Biñan subalit nanaig ang depensa at nangyari ang milagro ni Isidro.

Nagtapos si Khan na may 27 puntos at napiling Best Player sa una niyang sabak sa pro-league matapos maglaro para sa kampeonato ng NBL Youth Under-21 noong Abril. Sumunod si Garcia na may 21.

Sumandal ang Generals sa kanilang baguhan Mark Edison Ordonez na nagpaulan ng limang three-points para sa 19 puntos at Best Player at maging unang koponan na may dalawang tagumpay. Lamang lang ng isa ang Taguig sa halftime, 47-46, ngunit isang mas mabangis na Generals ang lumabas para sa third quarter sa pamumuno ni Ordonez at sina Lerry John Mayo at Noel Santos upang tuluyang lumayo, 77-61, at hindi na nakapalag ang Lions.

Hahanapin ng Luid Kapampangan ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagbisita ng Santa Rosa ngayong Linggo sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City simula 6:30 ng gabi. Bago noon, maghaharap ang DF Bulacan Stars at Biñan sa 4:30 p.m.

Samantala, magbubukas ang 2023 NBL Youth Second Conference ngayong Hulyo 8. Gaganapin ito sa Jesus Is Lord Colleges Foundation Gym sa Bocaue, Bulacan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page