ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 12, 2021
Isang taong anibersaryo nitong Hulyo 10 ng pagpapasara sa ABS-CBN at ginunita ito ng mga Kapamilya artists. Isa si Angel Locsin sa mga nagpahayag ng suporta niya sa nasabing network.
Nagtapos na ang programa niyang Iba ‘Yan na ipinalabas sa A2Z, TV5 at Kapamilya online channels at sa kasalukuyan ay walang proyekto ang TV host/actress. Pero kahit na wala siyang project ay hindi niya iiwan ang Kapamilya Network.
Ayon kay Angel, “Stay ako rito kasi iyon ang tingin ko na tama. Nandito lang ako kasi hindi ko kayang iwan ‘yung mga kaibigan o kapamilya.
“Hindi mo naman sila iiwan habang naghihirap, ‘di ba? Habang may pinagdaraanan, hindi mo iyan iiwan kapag mahalaga sa ‘yo.
“Habang may pinagdadaanan ‘yung ABS-CBN, nandito lang ako. It doesn’t mean na nakikita mo akong araw-araw, pero I am a Kapamilya pa rin. Nandito lang ako.”
Nabanggit din niya na may konti siyang naipon na kaya pang suportahan ang sarili at pamilya kaya keri na wala muna siyang trabaho sa ngayon.
“Okay pa naman ako. Hindi ako mayaman na mayaman. Wala po akong ganoon. Siguro, ‘yung years na pinagkatiwalaan ako ng tao, kahit paano, may ipon din naman. May kaunting investment. Kaya pa naman mag-survive ng pamilya ko roon.
“Sa ngayon, puwede naman tayong mag-YouTube, may mga endorsements. Siyempre, ikakasal din ako, so aasikasuhin ko muna ‘yun, ‘di ba?
“May mga bagay muna na siguro, kailangan munang pagtuunan ng pansin pero nandito lang ako. Nandito lang ako,” esplika ng dalaga na malapit nang ikasal.
Nagbigay din ng opinyon si Angel na sana ay huwag husgahan ang mga Kapamilya artists na lumipat sa ibang TV network tulad nina John Lloyd Cruz, Pokwang at latest ay si Bea Alonzo.
“I-add ko lang na wala akong judgment sa mga kailangang lumipat. Naiintindihan ko at alam ko na kailangang kumayod para mabuhay.
“Lahat tayo ay may iba-ibang pinagdaraanan. At masaya ako kung makahanap sila ng ibang trabaho sa panahong ito at iyan din naman ang gusto ko, ang nasa maayos na kalagayan ang lahat. Ito lang ang naaangkop para sa akin,” sambit nito.
Naniniwala rin siyang isang araw ay babalik na sa ere ang ABS-CBN.
“Lahat naman ay may struggles, ‘di ba? Pero lahat, nagtatapos, ‘di ba? Baka mabigyan ng pagkakataon na maipakita at maiayos kung anuman ang mga dapat ayusin. Naniniwala talaga ako dahil iba rin ang clamor ng mga tao. Maraming nakaka-miss,” saad ng aktres.
Comments