top of page
Search
BULGAR

Kapalmuks na mga gustong tumakbo sa 2022, mahiya naman kayo!

ni Ryan Sison - @Boses | May 29, 2021



Halos isang taon na lang bago ang halalan, kaya kani-kanyang paramdam na naman ang mga nagbabalak tumakbo o nais maupo sa puwesto.


At ngayong panahon ng pandemya, lantaran na nga ang umano’y pangangampanya ng mga kandidatong ito.


May ilang todo-tulong sa mga higit na apektado ng pandemya, pero ang layunin pala ay para magpa-pogi para pagdating ng kampanya, marami silang ibibida.


Kamakailan, sunud-sunod na social media post ang nakikita natin kung saan nagkalat ang mga billboard, tarpaulin at kung anu-ano pang mistulang campaign materials na may mga mukha at pangalan ng ilang pulitiko.


Dahil dito, maraming netizens ang nagpahayag ng kani-kanilang opinyon hinggil sa usaping ito, kung saan ang ilan ay dedma na lang dahil ganu’n naman anila ang siste ‘pag malapit nang mag-eleksiyon. Habang ang iba ay hindi maitago ang galit dahil sa umano’y harap-harapang panloloko ng mga ito sa publiko.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil karamihan sa mga personalidad na ito ay may posisyon sa gobyerno. At sa halip na magpokus sa pagtugon sa pandemya, heto at ang lalakas pa ng loob na magsimulang mangampanya.


‘Yung iba riyan, pinagkakakitaan lang ang pandemya, tapos kapalmuks na ipagmalaki na kesyo marami nang nagawa para sa bayan.


Kung nais ninyong tumakbo sa susunod na halalan, mangampanya kayo sa tamang panahon. Hindi ‘yung napakarami ninyong pakulo para lasunin ang utak ng taumbayan na uhaw sa tulong dahil sa malalang epekto ng pandemya.


Sa kabilang banda, hangad nating hindi mabulag ang taumbayan sa mga pagpapa-pogi ng mga pulitikong ito.


Ngayong panahon ng pandemya, kitang-kita natin kung sino ang mga wa’ ‘wentang lider kuno at ‘yung mga talagang handang magsilbi sa bayan. At bilang mamamayan, imulat natin ang ating mga mata upang matigil ang ganitong sistema sa pulitika.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page