top of page
Search
BULGAR

Kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong Year of the Water Rabbit

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 10, 2023


Sa nakaraang mga artikulo, tinalakay natin ang pangunahing katangian at kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong Year of the Water Rabbit.


Kaya sa pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at kapalaran naman ng animal sign na Dragon ang ating tatalakayin. Ang Dragon ay silang mga isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024.


Ang Year of the Dragon ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Mars at sa Western Astrology, ito rin ang kumakatawan sa zodiac sign na Aries.


Pinaniniwalaang higit na mahusay at makapangyarihan ang Dragon na isinilang sa panahon ng tag-araw at tag-sibol kung ikukumpara sa mga isinilang sa panahon ng tag-ulan at tag-lamig. Sinasabi na kung ang Dragon ay isinilang sa panahon ng tag-lamig, asahan mong siya ay tutulog-tulog sa pansitan, kaya minsan ay tulog din ang kanyang kapalaran.


Tama, ang mga negatibong Dragon ay palaging inaantok, mahilig magpuyat kaya tanghali na kung bumangon, at tila kampante o walang pinoproblema sa buhay. Pero sa loob ng kanilang puso ay maaaring batid nilang may magandang kapalaran na nakalaan sa kanila kahit sila ay tutulog-tulog at tatamad-tamad.


Ang mga tulad nilang Dragon ang kinakatakutan dahil sa sandaling gumising siya, kasabay na gigising ang natutulog nilang malakas na kapangyarihan at napakagandang kapalaran.


Oo, kahit napapansin mo na minsan ay tutulog-tulog ang isang Dragon, ang totoo, mayroon siyang taglay na napakalaki at dakila na magandang kapalaran. Sa eksaktong salita, “Itinadhana sila ng langit sa dakilang kapalarang ito,” o sa mismong araw nang sila ay isinilang.


Kaya sadyang masarap magkaroon ng kaibigan, anak, magulang, kakilala, kapatid, kasama sa bahay, alagang Dragon o anumang Dragon na malapit sa iyong buhay. ‘Yan ay dahil batid mong biglang susuwertehin ang nasabing Dragon, anuman ang kalagayan n’yo sa buhay, at kapag biglang nagising ang natutulog na suwerte niya, dadagundong ang paligid dahil sobrang laki ng suwerte na kanilang matatanggap mula sa langit at tiyak na ang mga taong nakapaligid sa kanila ay maaanggihan at siguardong kanilang babalatuhan.


Ibig sabihin, kaya tutulog-tulog ang mga Dragon ay may napakalaking suwerte na naghihintay sa kanilang buhay at ang suwerteng ito, tulad ng nasabi na, ay sadyang matagal nang nakalaan sa kanila noong araw na sila ay isinilang sa mundo.


Ganito ang sabi sa librong Chinese Elemental Astrology ni E.A. Crawford hinggil sa sa kapalaran ng isang Dragon, “Those born under the animal sign of the Dragon are said to wear the horns of destiny.”


Ibig sabihin, nakasuklob sa pagkatao at kapalaran ng Dragon ang tadhana na kahit saan sila pumunta ay hinding-hindi magbabago dahil ito ay dala na nila mula nang araw na sila ay isinilang.


Dagdag pa rito, sinasabing bukod sa likas na nagtataglay ng kakaibang suwerte, ang mga Dragon ay mapagpumilit at may matalas na pandama, kung saan may kakayahan siyang damahin ang susunod na mangyayari o magaganap. Dahil dito, ang kakaibang talas ng intuition ng mga Dragon ang kadalasang nagliligtas sa kanila sa kapahamakan. Kaya naman pumoporma pa lamang ang mga manloloko sa kanilang harapan, nararamdaman na nila agad ang masamang motibo o balak ng mga taong nagbabalak ng hindi maganda sa kanila.


Sinasabing sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, ang Dragon ay isa sa napakahirap utuin, utakan o lokohin, kumbaga, hindi mo siya basta-basta mabobola.


Gayundin, bukod sa pagiging suwerte, may reserbadong lakas, at may matalas na intuition, ang mga Dragon ay itinuturing ding nagtatalay ng katangian ng pagiging isang emperor. Ibig sabihin, ang angkin at likas niyang kapalaran at galing ay higit pa sa pagiging hari. Kaya naman noong sinaunang panahon, masaya at sadyang ipinagdiriwang ng buong angkan sa pagsilang ng isang Dragon sa kanilang pamilya.


Noong sinaunang panahon, itinuturing na suwerte ang Dragon, kung saan sa naturang panahon, ang mga magkasintahan ay pinipiling magpakasal sa Year of the Rabbit upang ang ipagbubuntis na sanggol ay isisilang sa Year of the Dragon. Ganundin ang mga mag-asawa, nagsisikap silang gumawa ng sanggol sa Year of the Rabbit upang ang iluluwal nilang sanggol ay matatapat ang kapanganakan sa Year of the Dragon.


Samantala, hindi lang pagiging emperor ang isa sa likas na katangian taglay ng Dragon dahil sinasabi rin na ang mga Dragon ay likas na matulungin at mapagmahal sa kanilang kapwa, lalo na sa mga inaapi ng tadhana at sa mga taong wala nang maasahan pa sa buhay.


Dahil dito, may panahon sa buhay ng Dragon na nauubos ang kanyang time at resources sa pagtulong sa kapwa nang wala naman siyang hinihintay na anumang kapalit sa ginagawa niya at walang pag-iimbot na pagtulong.


Kaya pala likas na matulungin at mapagmahal sa kanyang kapwa ang mga Dragon, lalo na sa mahihirap at kapos-palad dahil siya ay likas na malungkutin at madaling mabagbag ang puso at damdamin. Dahil sa pagiging maawain nilang ito, hindi nila namamalayan na ito ang nagtutulak sa kanila upang maubos ang kanilang kabuhayan — ang paggawa ng labis na kabutihan sa kanilang kapwa.


Kaya kung ikaw ay nakapag-asawa ng Dragon, dapat limitahan o rendahan mo rin ang ugali niyang mahilig magkawang-gawa at tumulong sa kanyang kapwa, lalo na kung ang salapi na para sa kanyang pamilya ay naitutulong niya pa sa ibang tao at sa kanyang mga kaibigan.


Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page