Kapag yumao si ex-PDu30 sa ICC jail, lahat ng kandidato ni PBBM sa pagka-senador malamang talo!
- BULGAR
- 22 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 7, 2025

TALO SA ELEKSYON AABUTIN NG MGA CONG. NA SANGKOT SA DEPED ANOMALY KAPAG HINUBARAN SILA NG MASKARA NI VP SARA -- Sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na may mga kongresista raw ang sangkot sa mga anomalya sa Dept. of Education (DepEd).
Hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga kongresista dahil kapag hinubaran sila ng maskara ni VP Sara at sila ay pinangalanan, malamang talo abutin nila sa darating na halalan, period!
XXX
LAHAT NG KANDIDATO NI PBBM SA PAGKA-SENADOR MATATALO KAPAG SA ICC JAIL YUMAO SI EX-PDU30 -- Ayon kay dating Presidente Rodrigo Duterte, kung siya raw ay mamamatay, nais niya na sa sarili niyang bansa, sa Pilipinas siya mamatay.
Dahil sa sinabing iyan ni ex-PDu30 ay dapat kumilos na ang Marcos administration na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) na maiuwi at sa ‘Pinas na lang litisin ang ex-president, kasi kapag ang dating pangulo ay sa loob ng ICC jail sa The Netherlands yumao, baka isa man sa mga kandidato ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa senatorial election ay walang manalo, lahat talo, boom!
XXX
SANA DAGDAGAN PA ANG MGA BIBILHING US FIGHTER JETS PARA MAIPAKITA NG ‘PINAS SA MUNDO NA HINDI TAKOT SA CHINA ANG SAMBAYANANG PINOY -- Bibili ang Marcos administration ng 20 bagong fighter jets sa Amerika.
Sana next year sa budget deliberation ay mas lakihan ng gobyerno ang budget ng Dept. of National Defense (DND) para mas makabili pa ang pamahalaan ng maraming fighter jets at nang maipakita sa mundo na palaban ang mga Pinoy, na hindi natatakot ang sambayanang Pilipino sa China, period!
XXX
FAKE NEWS ANG KUMALAT SA SOCIAL MEDIA NA BINUWAG ANG VPSPG -- Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na fake news ang kumakalat sa social media na binuwag ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) dahil ayon sa AFP chief ay hindi niya ipinabuwag ang VPSPG, at ang ginawa lang ng AFP ay balasahan sa mga security personnel na nakatalaga sa Office of the Vice President (OVP).
Dapat na talagang madaliin ng Kongreso ang pagsagawa ng batas na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga fake news vloggers, kasi hangga’t walang mahigpit na batas laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita sa social media ay hindi matitigil ang paglaganap ng fake news sa socmed, boom!
Comments