ni Melba R. Llanera @Insider | Feb. 28, 2025

Photo: Jellie Aw at Jam Ignacio - IG
Sa kabila ng binitawang salita ni Jellie Aw na hindi na matutuloy ang kasal nila ng dating fiancé na si Jam Ignacio na ex-boyfriend ni Karla Estrada, marami pa ring mga netizens ang naniniwala na lumipas lang ang panahon na maghilom ang pisikal at emosyonal na sugat dala ng pisikal na pananakit at lumamig lang ang isyu ay malaki ang tsansa na sa huli ay magkabalikan pa rin ang dalawa.
Sa ngayon nga ay lumipad na pa-Japan si Jam pagkatapos na personal itong humarap sa tanggapan ng NBI upang kausapin si NBI Director Jaime Santiago at ilang opisyal nu’ng February 21 pagkatapos na hindi nito siputin ang itinakdang araw na dapat ay magtungo siya sa tanggapan noong February 20 kaugnay ng physical abuse case na isinampa sa kanya ni Jellie.
Sa kanyang social media account naman ay nagbigay ng update si Jellie na kasalukuyang naghihilom na ang kanyang sugat. May pasa pa siya sa mata at basag pa ang ngipin pero may schedule na siya para maayos ito ng kanyang dentista.
Masalimuot at masakit ang itinakbo ng relasyong Jam at Jellie pero marami ang naniniwala na sa lalim ng pagmamahal na nararamdaman ng DJ-social media influencer sa mapapangasawa ay hindi ganoon kabilis at kadali para mamatay ang damdamin nito kay Jam sa kabila ng pisikal na pananakit sa kanya.
‘Ika nga, abangan na lang ang susunod na kabanata kung may balikan bang magaganap o wala, lalo’t may sarili nga raw batas ang puso na tanging mga taong nagmamahal lang ang nakakaunawa.
BUKOD sa parehong mahuhusay at de-kalibreng mga aktres, kapansin-pansin din na walang sapawang naganap sa mga eksena nina Dimples Romana at Iza Calzado sa pelikulang The Caretakers (TC) ng Regal Films at Rein Entertainment.
Parehong giving o mapagbigay bilang mga aktres, wala sa bokabularyo ng dalawa ang manapaw ng mga nakakaeksena, sa kabila ng katotohanang sa husay nila ay kayang-kaya nilang gawin ito.
Masaya rin dahil ang pelikulang TC ang nagbukas ng pagkakaibigan sa kanilang dalawa. Papuri nga ni Dimples kay Iza ay mabait itong tao onscreen at offscreen man at nakita niya ito lalo na nang maging isa na itong ina.
Sa presscon proper ay nabanggit nga ng Kapamilya actress na nadagdagan ang mga superstars niyang kaibigan sa katauhan ni Iza. Dalawa kasi sa malalapit na kaibigan ni
Dimples sa industriya ay sina Angel Locsin at Bea Alonzo.
Kinumusta namin kay Dimples si Angel kung may balak na ba itong bumalik sa show business gaya ng hiling ng mga tagahanga nito, at ayon sa aktres ay wala siya sa posisyon para magsalita tungkol dito at binibiro niya nga sina Neil at Angel na siya na ang tumatayong spokesperson ng mag-asawa dahil hindi nagpapakita sa publiko ang mga ito. Para lang sa Kapamilya actress, anuman ang maging desisyon ng mga kaibigan niya ay lagi niyang susuportahan ang mga ito at kung saka-sakali ngang magbalik sa show business si Angel ay tiyak ang suporta niya sa kaibigan.
Samantala, isa sa mga pinakamahuhusay na supporting actress natin sa ngayon sina Dimples at Iza at kung mapapanood lang ang TC ay masasabi nating sa kahit na anong roles o genre ng isang proyekto ay lalabas at lalabas talaga ang galing at brilyo ng isang artista.
Nagsimula nang mag-showing kahapon, February 26, masasabi naming sulit ang ibabayad ng sinumang manonood ng TC dahil bukod sa husay ng mga gumanap at pagkakadirek ng pelikula ay maganda ang mensahe na gustong ipaabot ng The Caretakers na matuto nating mahalin at alagaan ang ating kalikasan.
Comentarios