top of page
Search
BULGAR

Kapag matatag ang agrikultura, walang magugutom

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 8, 2023

Suportado natin ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa diumano’y kartel sa sibuyas at pag-iimbak ng iba pang produktong agrikultural, at pagmamanipula sa presyo ng mga mapagsamantala.


Bilang isang mambabatas, napakahalaga para sa akin na mapangalagaan ang interes ng ating mga lokal na magsasaka at mga mamimili, lalo na ang mga mahihirap nating kababayan dahil bawat piso sa kanila ay mahalaga.


Kailangang mawakasan na ang ganitong pagmamanipula ng kartel na nagreresulta sa sobrang pagtaas ng presyo ng sibuyas at bumubutas sa bulsa ng ating mga kababayan.


Dapat na mapanagot ang mga responsable rito.


Ang sektor ng agrikultura ang isa sa pinaka-backbone ng ating ekonomiya.


Napakahalaga ng papel ng ating mga magsasaka para matiyak ang seguridad sa pagkain ng buong bansa. Ngayong may banta pa ng tagtuyot dahil sa El Niño phenomenon, lalong mahaharap sa mabigat na pagsubok ang ating mga magsasaka. Dapat magtulungan ang gobyerno at ang iba pang ahensya para maging mas matatag ang ating sektor ng agrikultura, at mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa ating mga magsasaka at mga komunidad na ang pangunahing pinagkakakitaan ay pagsasaka.


Sa parte ko bilang senador, patuloy akong susuporta sa mga programa ng gobyerno na layuning palakasin ang sektor ng agrikultura dahil napakahalaga ng mga magsasaka sa ating pangkalahatang pagsulong at pag-unlad. Magtulungan tayo at sikaping walang magutom dahil napakaimportante sa pag-unlad na may laman ang tiyan ng bawat Pilipino.


Kung kaya ikinagagalak ko ang pagpirma ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. kahapon, July 7, ng Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act. Layunin nito na hindi na magbayad ang mga Agrarian Reform Beneficiaries ng P58 bilyong halaga ng kanilang pagkakautang sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng gobyerno, at maging ang ibang pagkakautang mula sa iba pang agrarian reform programs. Naging co-author at co-sponsor tayo ng Senate Bill No. 1850 ng nasabing batas.


Bahagi pa rin ng ating pagsuporta sa mga magsasaka, kahapon, July 7, ay nagpadala tayo ng mensahe sa ginanap na pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award sa mga Agrarian Reform Beneficiaries sa Davao Region at nagkaloob sa mga ito ng kaunting tulong, kasabay ng ceremonial signing ng New Agrarian Emancipation Act. Masaya tayo na pag-aari na nila ngayon ang kanilang lupang sinasaka.


Inihain natin ang Senate Bill No. 2118 na naglalayon na mabigyan ng mas magandang insurance coverage at mga serbisyo ang ating mga magsasaka para matulungan silang mapagaan ang epekto ng mga kalamidad sa kanilang hanay. Isa tayo sa may-akda ng Republic Act No. 11901 na nagpalawak sa agriculture, fisheries, and rural development financing system. Sinuportahan din natin ang pagsasaayos ng irigasyon sa mga taniman at ang pagpapalawak ng National Rice Program. Sinuportahan natin ang plano na ang mga nakatiwangwang na lupa na pag-aari ng pamahalaan na hindi naman ginagamit ay gawing taniman para mapakinabangan ng ating mga magsasaka at mas mapalakas ang produksyon ng pagkain sa ating bansa.


Samantala, bisyo ko ang magserbisyo kaya naman patuloy ang aming tanggapan sa pagkakaloob ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Noong July 7 ay maagap nating dinamayan ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 81 residente ng Bgy. Alang-Alang at 44 pa sa Bgy. Jagobiao, Mandaue City, Cebu katuwang si Congresswoman Emarie “Lolypop” Ouano-Dizon.


Namahagi tayo ng tulong sa 828 estudyante ng Cainta at 868 estudyante sa Binangonan, Rizal katuwang si Governor Nina Ynares. Napagaan natin ang dalahin ng 200 mahihirap na residente ng Project 4, Bgy. Marilag, Quezon City katuwang si Councilor Anton Reyes, gayundin ang 120 benepisyaryo sa Pili, Camarines Sur katuwang sina Board Members Vanessa Senar at John Apollo Manaog. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 197 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Alamada, North Cotabato at 70 sa Bgy. Tibungco, Davao City na biktima ng pagbaha.


Nakarating ang aking relief team sa Antipolo City noong July 6 at katuwang pa rin si Gov. Ynares ay naalalayan ang 1,700 estudyante. Sa Bani, Pangasinan ay 350 benepisyaryo ang ating napagaan ang dalahin katuwang si Vice Mayor Gwen Yamamoto. Mayroong 49 residente na napasaya sa Plaridel, Bulacan katuwang si Mayor Jocell Vistan. Nabiyayaan din ang 160 mahihirap na residente sa Nabua, Camarines Sur.


Nag-ikot din ang aking team noong June 5, katuwang si Mayor Dennis Glean at mga konsehal ay naalalayan ang 500 mahihirap na residente ng Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite. Napasaya rin ang 266 benepisyaryo sa mga bayan ng General Mamerto Natividad, Laur at Bongabon, at sa Cabanatuan City, Nueva Ecija katuwang si Governor Aurelio Umali.


Sa San Fernando, Pampanga, katuwang sina Mayor Vilma Caluag at Councilor Ato Agustin ay napagaan ang dalahin ng 196 na residente. Hindi rin kinaligtaan ang 100 benepisyaryo sa Bgy. 107, Zone 9, District 1, Manila City kasama si Punong Barangay Dominador Caccam. Naayudahan din ang 180 mahihirap na residente ng Libmanan, Camarines Sur; at ang 100 solo parents sa Bgy. Mintal, Davao City.


Bawat sentimo ay mahalaga sa bawat Pilipino lalo na sa panahon ngayon. Patuloy kong ipaglalaban ang karapatan ng bawat Pilipinong nagpapakahirap magbanat ng buto at magpatulo ng pawis sa buong maghapon para lang may maiuwi at matiyak na may mailalaman sa tiyan ng kanilang pamilya.


Poprotektahan ko rin ang karapatan ng bawat mamimili, at dapat na ang perang kanilang pinaghirapan ay maibili nila ng produktong may tamang presyo at hindi minanipula ng mga mapagsamantala.


Gaya ng madalas kong sabihin, ang importante ay napapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kababayan, at wala dapat magutom na Pilipino.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page