ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 4, 2021
Dear Doc. Shane,
Kapag mataas ba ang kolesterol ng tao kadalasan ay nagkakaroon ng sakit sa apdo? – Bernadeth
Sagot
Ang apdo (gallbladder/cholecyst) ay maliit at maitim na supot na hugis-peras na may sukat na 7 hanggang 10 sentimetro ang haba na nakakabit sa ilalim ng atay at nagtataglay ng mapait at berdeng likido (50 ml) at tinatawag ding apdo (bile). Ito ay tumutulong sa gawaing panunaw o proseso ng digestion.
Ang kadalasang nagkakaroon ng sakit na bato sa apdo ay kababaihang edad 40 pataas o mga babaeng malusog ang pangangatawan at mabilis magpapayat, at babaeng umiinom ng hormonal na gamot at mga kasalukuyang nasa reproductive age o yugto na maaari pang magdalantao. Subalit, maaari ring magkaroon ng bato sa apdo ang kalalakihan.
Maliban sa alta-presyon, mataas na cholesterol at sakit sa puso, ang hindi tamang pagkain ng mga maaalat at matatabang pagkain ay maaari ring maging sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo, o ang tinatawag na gallstones.
Ayon sa doktor mataas ang posibilidad na magkaroon ng gallstones kung ang tao ay obese, diabetic, umiinom ng gamot na pampababa ng cholesterol at biglaang nangangayayat.
Malaki rin umano ang posibilidad na magkaroon ng gallstone ang mga taong may malapit na kaanak na nagkaroon nito. Para makaiwas sa operasyon na tinatawag na cholecystectomy para alisin ang apdo, kailangan hinay-hinay lang sa pagkain ng karne at kumain ng masustansiyang pagkain.
Comentarios