top of page
Search
BULGAR

Kapag inuna ang kapakanan ng kapwa, hindi tayo magkakamali!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 25, 2021



Nitong nakaraang mga linggo, walang tigil na nagtatrabaho ang gobyerno upang tuluyang wakasan ang pandemya na dulot ng COVID-19 at maproteksiyunan ang buhay ng mga Pilipino.


Unti-unti na rin tayong nabibigyan ng bagong pag-asa ng pagbabalik sa mas maginhawa at normal na pamumuhay sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagbabakuna sa mga komunidad. Bakuna ang susi at solusyon upang malampasan ang krisis kung kaya’t hinihikayat natin ang lahat na kapag oras n’yo nang magpabakuna, ayon sa prayoridad na sinusunod, huwag na na mag-alinlangan pa!


Gayunman, huwag munang magpakakumpiyansa dahil delikado pa rin ang panahon habang nand’yan pa ang COVID-19 sa ating paligid. Sumunod tayo sa mga patakaran at magtiwala tayo sa payo ng mga eksperto at awtoridad na wala namang ibang hangarin kundi ang kapakanan ng buong sambayanan.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, palagi nating ipinaaalala na ang pinakamalaking bahagi ng bayanihan ay ang ating sariling pag-iingat at disiplina upang maiwasang bumagsak ang health system. Ang kooperasyon ay tulong sa health workers na ibinubuwis ang kanilang sariling buhay para makapagligtas ng buhay ng iba.


Samatala, mula June 19 hanggang 24, nagbigay tayo ng tulong sa tatlong pamilyang nasunugan sa Bgy. San Dionisio, Parañaque City; at mahigit 930 na indibidwal naman na nasunugan sa Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental. Samantala, tinulungan din natin ang mahigit limang libong kababayang nabiktima ng nakaraang Bagyong Auring sa San Miguel, Surigao del Sur.


Nagbigay din tayo ng dagdag-tulong sa mahigit 1,030 senior citizens at iba pang indigents sa Quezon City; 612 na trabahador sa Caloocan City; 750 na mahihirap sa Calumpit, Bulacan; 200 na apektadong manggagawa sa Lagawe, Ifugao; at 758 market vendors at TODA members sa Caibiran, Biliran.


Sa Southern Leyte, namigay din tayo ng tulong sa 200 senior citizens at PWDs sa Hinunangan; 200 TODA members at market vendors sa Liloan; at 150 market vendors sa St. Bernard.


Sa South Cotabato naman, rumesponde tayo sa mga pangangailangan ng halos 300 displaced workers at 150 PWDs sa bayan ng Tupi sa ating pagbisita doon upang magbigay-solusyon sa kanilang suliranin at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.


Dagdag pa nito, nag-abot tayo ng pagkain, masks, face shields at bitamina bilang proteksiyon sa COVID-19, at iba pang klase ng suporta na kailangan ng mga komunidad, habang sinisiguradong nasusunod ang mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Kasama ang iba’t ibang ahensiya na nagbibigay din ng tulong base sa kanilang mga programa.


Tandaan, anumang kabutihan o tulong ang puwede nating gawin sa kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Kapag inuna natin ang kapakanan ng ating kapwa, hindi tayo magkakamali.


Bayanihan, malasakit, at walang tigil na serbisyo — ito ang mga kailangan upang malampasan ang mga pagsubok na kinahaharap ng ating bansa at mabigyan ng ligtas at mas komportableng buhay ang bawat Pilipino.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page