top of page
Search
BULGAR

Kanser sa lupunan, kalikasan, katawan, ‘wag balewalain

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 14, 2024



Fr. Robert Reyes

May puwersa ba ang sining? Ano pa ang magagawa nito higit sa karaniwang idinudulot na pagpukaw ng imahinasyon at diwa ng paglikha?


Sinagot ito ng tatlong manggagawa ng sining noong nakaraang Lunes sa National Center for Culture and the Arts o NCCA sa Intramuros, Maynila. Sa pamamagitan ng iba’t ibang sining mula sa pagpinta hanggang sa iskulturang terracotta at paghahabi, namahayag at nanindigan ang tatlong manggagawa ng sining na dapat protektahan at pagyabungin ang kalikasan, partikular na sa kabundukan ng Pakil, Laguna.


Nanganganib na masira ang kabundukan at masira rin ang daang taong tradisyon ng Birhen ng Torumba na hindi mahihiwalay sa pagkilala at pagdiwang sa ganda at hiwaga ng sariwa’t malinaw na tubig na dumadaloy mula sa lawa sa tuktok ng bundok ng Pakil.


Dumalo tayo sa paglulunsad ng “Pira-pirasong Santuaryo” exhibit sa NCCA lobby noong nakaraang Setyembre 9, 2024. Nakilala natin ang tatlong mga manggagawa ng sining na may kanya-kanyang galing at piniling materyal para sa kani-kanilang sining. Nagkaisa ang tatlo na sina Kat Casapao; Elaine Lopez-Clemente at Fm Monteverde hindi lang upang ipasinaya ang kanilang husay kundi upang ipaglaban at protektahan ang mga kabundukan ng Sierra Madre.


Nagsimula ang paglulunsad ng exhibit sa isang maikling martsa-protesta sa kalye sa harap ng NCCA laban sa pagda-dam ng mga bundok ng Pakil. Masasabing aalog-alog kaming mga nagmartsa sa kalye. Tiyak na nagtatanong ang maraming nakakita sa amin ng ganito, “ano kaya ang ipinaglalaban ng kapiranggot na grupong ito?” Subalit namangha’t natuwa ako at lahat ng mga kasama ko ay masaya at masiglang sumigaw ng “No to dam, yes to kalikasan!” Simula lang ito. Tatlong manggagawa ng sining lang sila ngunit, buong bayan naman ng Pakil ang kasama nila at ang iba pang mga sektor na tutol sa pagda-dam ng kabundukan ng lugar. 


Dama ko ang tindi ng pagtutol sa dam at higit dito ang alab ng pagmamahal ng mga manggagawa ng sining para sa kalikasan sampu ng kanilang mga kasama. Mabuhay kayo mga alagad ng sining at mga kasama na lumalabang ihinto ang pagmimina sa kabundukan ng Pakil. Mabuhay din ang maganda, makasaysayan at banal na kabundukan ng Pakil at ang debosyon sa Birhen ng Torumba.


Saan ba nagmula ang kanser sa kalikasan, ang iba’t ibang sugatan, sira, wasak, nasalaula’t patay na mga sangkap at bahagi ng kalikasan? Bago pa pansinin at pakialaman ng mga malalaking korporasyon ang kalikasan, maganda, mahiwaga at tunay ngang larawan o mukha ng Diyos ang kalikasan. 


Ngunit, tuwing pinapasok at pinakikialaman ito ng mga naghahanap ng pagkakakitaan tulad ng mga developer, mga minahan, mga illegal logger, mga nagku-quarry, mga poacher na nanghuhuli at nagbebenta ng wild life o mababangis na hayop, kitang-kita ang negatibong epekto ng lahat ng ito.


May pagbaha, pagguho at magla-landslide o magma-mudslide, sasabog ang mga bulkan, biglaang masusunog ang mga damo, halaman at puno sa kabundukan. Dito mamamalas natin ang pagpangit, pagtanda, at ang pagtutol at galit ng kalikasan. Walang sakit at walang kanser ang kalikasan. Salamat sa mga tao, sa ating kapabayaan, ganid at kawalan ng kapwa-pakiramdam kay Inang Kalikasan, unti-unti itong namamatay.


Ang kanser sa lipunan, ito ang ‘salot’ ng mga trapo at dinastiya. Kanser sa kalikasan, ito ang istraktural at pang-ekonomiyang pagmamahal sa salaping ipinagkakaloob ng binili at ibinentang bahagi ni Inang Kalikasan. At meron din namang kanser ng katawan.

Bago matapos ang linggo, kinausap tayo ng ilang cancer survivors na nakatira sa parokya. Parami nang parami ang nakikilala nating mga cancer survivor. Marami ay handa at nais maging bahagi ng isang Cancer Support Group, at may ilan naman ay ayaw o hindi handang maging bahagi ng anumang grupo.


At nagpasya kami noong nakaraang Huwebes, Setyembre 12 na buuin at simulan na ang ‘Buhay Ka, Cubao’. Tulad ng grupo na nasa Hong Kong, ang Buhay Ka, Hong Kong, ang grupong nasa Santiago, Isabela, ang Buhay Ka Isabel at ang grupong nasa Japan, ang Buhay Ka, Japan, buong siglang tinataguyod ng mga cancer survivor ang kahalagahan ng pagkakaibigan at pagsusuportahan para gumaling o humilom ang mga may kanser. 


Iilan lang kaming nagsimula o bumuo ng grupong Buhay Ka, ngunit damang-dama ko ang interes at kahandaang magmalasakit para sa ibang may kanser. Simula pa lamang ito dahil marami pa itong magiging kasunod. Pagpalain kayo ng Poong Maykapal!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page