top of page
Search
BULGAR

Kanselado ang NBL at WNBL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 11, 2021



Hindi matutuloy ang mga nakatakdang laro ngayong Sabado at Linggo ng Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 at Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Sa kabila ng hindi inaasahang pangyayari, patuloy pa rin ang WNBL sa pagdidisiplina sa kanilang mga manlalaro bilang bahagi ng pagpapalaganap ng mataas na antas na Basketball sa kababaihan.


Nagpasya ang pamunuan ng dalawang liga na ipagpaliban ang mga laro matapos pahabain ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Kamaynilaan at ilang karatig na lugar hanggang Setyembre 15. Nakapaglabas ang liga noong Martes ng schedule para sa dalawang araw subalit ibinawi ito sa gitna ng pabago-bagong patakaran ng pamahalaan.


Hindi namin isusugal ang kalusugan at kaligtasan at handa kaming magsakripisyo,” wika ni NBL/WNBL Executive Vice President Rhose Montreal. “Naintindihan ng mga koponan at suportado nila ang desisyon ng liga.”


Nagpataw ng suspensiyon ang WNBL sa tatlong hindi pinangalanang manlalaro buhat sa magkaibang koponan bunga ng paglahok sa isang ligang labas noong nakaraang linggo sa isang paaralan sa Maynila. Ito ay malinaw na paglabag sa kanilang kontrata at paglabag din sa mga health at safety protocol ng pamahalaan. “Bilang pro league ay pinapairal namin ang self-regulation,” dagdag paliwanag ni Montreal. “Lahat ng mga desisyon ay dumadaan sa tamang proseso sa harap ng isang komite at ito ay para sa kabutihan ng nakakarami pati ang mga lumabag.”


Nakatanggap ng sumbong ang WNBL at ipinatawag ang mga manlalaro para kunan ng paliwanag. Suspendido sila ng tig-dalawang laro at maaaring mamili ang kanilang coach kung kailan ito ipapatupad.


Kailangan din nila sumailalim sa pagsusuri sa COVID-19 bago payagan bumalik sa koponan. Hindi rin apektado ang kartada ng mga koponan ng mga suspendidong manlalaro.


Bago pansamantalang itinigil ang liga noong Hulyo 25, lamang sa torneo ang mga walang talong Glutagence Glow Boosters (2-0) at Paranaque Lady Aces (1-0). Wala pang panalo ang STAN Quezon Lady Spartan (0-1) at Pacific Water Queens (0-2) habang hindi pa sumasalang ang ika-limang koponan na Taguig Lady Generals.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page