ni Lolet Abania | November 29, 2020
Nagtala ang Kanlaon Volcano ng tatlong volcanic earthquakes sa loob lamang ng 24-oras, ayon sa bulletin na inisyu ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Linggo.
Sa ulat ng Phivolcs, naglabas din ang naturang bulkan ng sulfur dioxide emission na umabot sa average na 336 tonnes/day noong Martes, November 24.
Mula noong June, 2020, may pagkakataon na nagkaroon ng bahagyang inflation sa lower at mid slopes ng bulkan, base ito sa ground deformation data mula sa isinasagawang GPS measurements ng ahensiya.
Sa obserbasyon pa ng Phivolcs, ito ay nagbabadya ng hydrothermal o magmatic processes sa pinakailalim ng bulkan.
Inilagay na rin sa Alert Level 1 ang buong lugar sa Kanlaon Volcano dahil sa nananatili itong nasa abnormal condition o tinatawag na period-of-unrest.
"Hindi naman po ito karamihan pero ang mga volcanic earthquakes na naitala natin at pamamaga ng bulkan ay ibig sabihin, abnormal ang kondisyon ng bulkan pero wala naman dapat ikaalarma," sabi ni Phivolcs Officer-in-Charge at Science and Technology Usec. Renato Solidum Jr.
"Ang importante ay hindi sila (residente) papasok sa apat na kilometro na permanent danger zone," sabi pa ni Solidum.
"May mataas na posibilidad na magbuga ng usok pero dahil ito sa pagkulo ng tubig," ani Solidum. "'Yan din ang sanhi ng pamamaga ng bulkan."
Gayunman, karamihan sa naging eruptions ng Kanlaon Volcano ay hindi nakapaminsala nang husto subalit ang huling pagputok nito ay naglabas ng magma na naganap noong 1900s, ayon kay Solidum.
"Araw-araw tayo nagpapalabas ng impormasyon," ani Solidum.
Pinapayuhan ng ahensiya ang lahat ng residente na maging mapagmatyag at mag-ingat anumang oras.
תגובות