ni Nitz Miralles @Bida | Mar. 4, 2025
Aa expected, masaya at maingay na uli ang kani-kanyang supporters nina Heart Evangelista at Pia Wurtzbach dahil pareho silang dumalo sa Milan Fashion Week. Uso na naman sa dalawang kampo ng mga supporters ang shading, ang pagkukumpara at parinigan na in fairness, madalas ay nakakaaliw basahin.
Uso rin sa dalawang kampo ang pagkukumpara kung sino ang mas maraming invites sa mga fashion shows at kung sino sa kanila ang nasa front row. Siguradong ang hindi nakaupo sa front row, lalaitin.
Parehong um-attend sa fashion show ng Prada, Fendi at Tod’s sina Heart at Pia. Marami lang siguro ang tao at malaki ang venue ng fashion show, kaya hindi sila nagkikita. Ang saya sana kung magkita sila, magpakuha ng photo together at kapag ginawa nila ito, sasabog ang internet sa mga reactions. Matitigil din ang bardagulan ng kani-kanyang mga fans kapag ginawa nila ito.
Comment ng mga fans ni Heart kay Pia, matronly ang dating sa suot. Pinansin din na laging black, gray at white ang suot nito.
Sagot naman ng mga fans ni Pia kay Heart, hindi raw bagay dito ang kita ang mga tuhod.
In the end, both camps, nag-declare na panalo ang idol nila.
Basta masaya ang bardagulan ng mga supporters ng dalawa, mas active lang mag-comment ang mga supporters ni Heart.
NAALIS din agad ang nai-share ni Tom Rodriguez sa kanyang Instagram (IG) Story na photo ng kanyang baby na karga ng mom nito o ng love of Tom’s life ngayon.
Kaya lang, ang layo ng kuha ng photo at kahit anong pagsu-zoom ang gawin, hindi makikita ang beautiful faces ng kanyang baby at mom nito.
Sa text sa photo na “Full” at emoji ng heart at may “S” sa dulo, parang ang gustong sabihin ni Tom ay he is full of love. Kaya pakiusap ng netizen sa aktor, i-share niya ang saya ng puso niya at ipakita ang mukha ng kanyang mag-ina.
At this time, parang hindi pa ready si Tom na magkaroon ng face reveal ang kanyang mag-ina, kaya maghintay lang tayong lahat.
Dahil malayo ang kuha ng photo, hindi rin makita kung American o Filipina ang mom ng baby ni Tom. Pero, dahil maputi ito na kita kahit sa malayo, naniniwala ang mga netizens na American ang mom ng baby.
Maaalalang nag-post dati si Tom ng chubby hands ng kanyang baby, ngayon naman, full picture, kaya lang malayo nga. Abang-abang lang at baka malapit na ang face reveal ng aktor sa kanyang mag-ina.
AKALA namin, palilipasin ni Ruru Madrid ang birthday ni Bianca Umali noong March 2 na walang birthday greetings. May nakakaantig naman pala siyang birthday message sa nobya.
Aniya, “To my number one cheerleader, my ultimate crush, and my greatest blessing—Happy Birthday, Mahal ko! @bianxa.
“Walang salitang sapat para maipahayag kung gaano ako nagpapasalamat sa ‘yo, ikaw ang liwanag ng buhay ko, ang inspirasyon ko sa bawat araw, at ang dahilan kung bakit ako patuloy na nagsisikap maging mas mabuting tao. Simula nang dumating ka, nag-iba ang mundo ko – mas naging makulay, mas naging makahulugan. At habang buhay kong ipagpapasalamat sa Ama na ikaw ang ibinigay Niya sa ‘kin.
“Napakapalad ko dahil ikaw ang kasama ko sa buhay—ang babaeng pinakamamahal ko, iniidolo ko, at pinapangarap kong makasama magpakailanman. Pangako ko, iingatan ko ang puso mo gaya ng kung paano mo iningatan at minahal ang sa akin. Sa ‘kin ka lang, at ako’y sa ‘yo, hindi lang ngayon kundi sa habang panahon.
“Anuman ang pagsubok, anuman ang dumating, pipiliin at ipaglalaban kita sa bawat araw, sa bawat pagkakataon. Magkasama nating tutuparin ang lahat ng pangarap natin, dahil walang imposible basta magkasama tayo.
“Mahal na mahal kita, higit pa sa kaya kong ipakita o iparamdam. Ikaw ang buhay ko.”
Grabeng pagmamahal ‘yan ni Lolong (karakter sa serye ni Ruru) kay Bianca. May nag-akala tuloy na proposal na ni Ruru Madrid ‘yun sa kanyang GF, nagpahayag lang pala ng pagmamahal.