ni Eli San Miguel @News | October 25, 2023
Patay sa ambush ang isang kandidato para sa pagka-chairman ng isang barangay sa Kapatagan, Lanao del Sur nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Col. Robert S. Daculan, Lanao del Sur Provincial Police Director, namatay si Kamar Bilao Bansil dahil sa maraming tama ng bala nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan ng mga armadong lalaki sa kalsada ng Barangay Sigayan sa Kapatagan.
Nagkaroon naman ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang asawa ni Bansil na si Jasmin at kanilang anak na si Manmo, na agad isinugod ng mga pulis at mga emergency responder sa ospital mula sa lokal na pamahalaan ng Kapatagan.
Sinabi ni Daculan na ang mga biktima ay magkakasama sa isang puting multicab utility vehicle nang salakayin ng mga lalaking pinamumunuan ni Pabil Pagrangan, asawa ng chairwoman ng barangay ng Sigayan. Inaasahan sana ni Bansil na talunin ang reelection bid ni Pagrangan bilang independent candidate.
Ipinahayag ng direktor ng pulisya na may mga saksi na nag-ulat sa Kapatagan Municipal Police Station ng direktang pagkakasangkot ni Pagrangan sa karumal-dumal na pangyayari.
Ayon kay Daculan, kasalukuyan nang nagtutulungan ang mga lokal na opisyal at tauhan ng Kapatagan MPS sa pagsusuri at paghahanap kay Pagrangan at sa kanyang mga kasabwat, na magkakahiwalay na tumakas.
Comments