top of page
Search
BULGAR

Kambing o tupa, ‘di kailangang maghirap para magkaroon ng komportable at masaganang buhay

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 21, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Kambing o Goat, na tinatawag ding Tupa o Sheep, ngayong Year of the Water Rabbit.

Ang Kambing o Goat, Tupa o Sheep ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015, at 2027.


Sa pakikisalamuha sa kapwa, sinasabing ang Kambing o Tupa ay matagal at bihirang magalit dahil tulad ng nasabi na, likas sa kanya ang pagiging kalmante at mabait. Pero kapag nainis naman ang Tupa, siya ay manunuwag dahil napakasama niyang magalit, kaya kung may karelasyon o asawa kang Tupa, mas makabubuti kung ‘wag na ‘wag mo siyang gagalitin kung ayaw mong maghalo ang balat sa tinalupan. Kaya tulad ng nasabi na, bagama’t ang Kambing o ang Tupa ay bihirang magalit, napakasama ng maaaring maganap sa sandaling siya ay ginalit mo.


Gayundin, may pambihirang kapangyarihan ang Tupa o Kambing sa panahong ginamit niya ang power o lakas ng paglalambing at kapangyarihan ng kakaibang kabaitan. Kapag siya ay may hiningi sa isang tao na nilambing o pinakitaan niya ng mabuting ugali, siguradong hinding-hindi siya tatanggihan nito. Kaya kapag humiling ang Kambing o Tupa sa langit, siguradong siya ay pagbibigyan ng nasa itaas, gaanuman kaimposible ang kanyang hinihiling.


Kaya kung ikaw ay isinilang sa animal sign na Tupa o Kambing, humiling ka ngayon sa langit at siguradong ito ay magkakatotoo. Sa sandaling ito ay natupad, masasabi mo sa iyong sarili na, “Ito nga pala ang hiniling ko sa langit, bagama’t medyo matagal bago nagtupad, sigurado namang magkakatotoo at darating.”


Kung ikukumpara sa animal sign na Baka na kailangan pang magpakasipag at magsikap nang husto upang umunlad at umasenso, ang Kambing o Tupa ay iba. Sinasabi na kahit hindi siya magpakahirap, bagkus, ang malalapit na tao o kanyang mga mahal sa buhay ang magsisikap, ang mga suwerte at pag-unlad na makakamit ng mga ito ay ibibigay din ng langit sa kanya nang hindi niya inaasahan.


Kumbaga, sa isang hari at reyna, kahit hindi sila magtrabaho o maghanapbuhay nang dibdiban, tiyak na ang Kambing o Tupa ay mabubuhay nang masagana, marangya at masaya dahil ang maghahanapbuhay para sa kanya ay ibang tao.


Dahil dito, minsan ay napagbibintangan ang Kambing o Tupa na tamad, laging umaasa o may pagka-parasite. Pero hindi naman totoo ‘yun, sa halip, ganu’n lang talaga ang kapalarang ipinagkaloob sa kanya ng langit – ang hindi gaanong mahirapan o hindi gaanong magpatulo ng pawis, pero laging kampante at masaya. Dahil para sa Tupa o Kambing, ang mga salitang, “Salamat sa Diyos dahil nakakaraos naman!” ay tugmang-tugma sa pagkatao niya.


Kaya mapapansin mo na bihira sa mga Tupa o Kambing ang labis na nag-aalala, gayundin, bihira sa kanila ang nagsisikap at nagpupursige talaga dahil tulad ng nasabi na, sila ay isinilang upang magpa-easy-easy lang sa buhay. Pero hindi sila magugutom kailanman, tulad ng reyna ng mga langgam, nabubuhay siya nang masagana at maligaya habang pinaglilingkuran siya ng libu-libong kawal at trabahador na mga langgam.


At dahil isinilang na masarap ang buhay at hindi gaanong nagtatrabaho o nahihirapan, nagtataglay naman ang Tupa o Kambing ng busilak at mapagbigay na pagkatao. Kung saan, siya ay tunay na matulungin at maawain sa kanyang kapwa na laging handang tumulong sa mga taong kapus-palad.


Dahil sa ugaling ito ng Tupa o Kambing, lihim na pinapanood ng nasa itaas ang kanyang kabutihang loob, kaya hindi niya rin namamalayang sa ganitong paraan at pangyayari, hindi siya kailanman maghihirap. Sa halip, lalo pang sinusuwerte sa kanyang buhay dahil sa pagkakaroon niya ng busilak na puso at mapagmahal na kalooban.


Itutuloy


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page