ni Imee Marcos @Imeesolusyon | February 10, 2023
Matapos ang kakulangan daw sa sibuyas at bawang, ngayon naman ay oversupply ng kamatis ang pinoproblema ng ating mga kaibigang magsasaka at maliliit na mga negosyante.
Nauulit na naman ang pagtatapon ng mga produkto na galing sa dugo at pawis ng mga nagtatanim para tayong lahat ay may makain.
Juskolord! Kawawa ang ating mga farmers at domino reaction nga nito siyempre, apaw-apaw ang supply, bagsak-presyo na ang mga kamatis.
Naglalaro ngayon sa P25 hanggang P40 ang kilo ng kamatis. Ang problema, wala na halos bumibili, as in matumal!
Kaya sa bagsakan nito sa Balintawak Market, aba, eh makikita raw na ipinamimigay na lang ng ilang tindera ang mga sobrang hinog na kamatis. Hindi na kasi mabenta!
May ilang tinderang nagsabi na dahil matumal ang bentahan, baka kaunti na lang din ang kanilang i-order na supply sa kanilang mga suki.
Ano ba ‘yan! Ang saklap. Pero may IMEEsolusyon tayo r’yan.
Huwag nang itapon ang mga kamatis na sobra-sobra ang supply. ‘Yung ating DOST-Industrial Technology Development Institute ay makakatulong.
Lahat ng kanilang mga regional offices ay mayroong processing equipment na puwedeng gamitin sa pagsisimula ng negosyong tomato-based products. Kabilang na rito ang paggawa ng ketchup, tomato puree, tomato paste, tomato sauce at candies.
Hindi na kailangang pumunta sa Maynila dahil sa kanilang regional offices na maaaring magsagawa ng research and development sa kanilang mga produkto.
Sa ilalim naman ng Community Empowerment sa pamamagitan ng Science and Technology program, bawat komunidad, eh, maaaring bigyan ng gamit para mapalago ang produktong gaya ng kamatis.
Nilinaw nila na hindi ito utang kundi ibibigay ang mga equipment na kinakailangan ng mga komunidad para makapagproseso ng kanilang produkto.
Pakiusap natin sa mga LGUs, paki-asistehan o tulungan ang ating farmers at mga lokal na mga negosyante sa pakikipagkoordinasyon sa DOST sa bagay na ‘yan, plis lang.
Saka pakiusap din natin sa ating LGUs at mga pribadong sektor na tulungan ang farmers sa inyong lugar na maibenta ang kanilang mga produkto sa inyong komunidad.
Direkta nating bilhin sa mga kababayan nating farmers ang mga kamatis.
Tulong-tulong na tayo, ang hirap ng buhay ngayon, plis lang!
Comments