top of page
Search
BULGAR

Kamatis, epektib sa high blood pressure

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 15, 2024




Dear Dr. Erwin,


Regular akong tagasubaybay ng BULGAR newspaper at ng inyong Sabi ni Doc column.


Ako ay 35 years old, may asawa at may dalawang anak, at isang empleyado sa isang private company. Five years ago ay na-diagnose ako na may hypertension at simula noon ay pinapainom ako ng aking doktor ng maintenance na gamot laban sa high blood. 


Sa mga nakaraang buwan ay napansin ko na kahit na patuloy ang pag-inom ko ng aking gamot sa high blood ay tumataas pa rin ang aking blood pressure. Ipinayo ng aking doktor na itaas ang dose ng aking gamot sa high blood. Bagama’t nagtitiwala ako sa aking doktor at gusto kong sundin ang kanyang payo at naniniwala ako na magiging epektibo ito, ay alam kong may ibang paraan pa upang mapababa ang aking blood pressure.


Mayroon bang natural na paraan upang mapababa ang blood pressure? May pagkain bang maaaring kainin upang makatulong sa pagbaba ng blood pressure?


May mga research studies na ba sa larangan na ito?


Maraming salamat at sana’y masagot n’yo ang aking mga katanungan. - Juan Miguel


Maraming salamat, Juan Miguel, sa iyong pagliham at pagtangkilik sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column. 


Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan, ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa sa larangan ng hypertension.


Tungkol sa inyong katanungan kung mayroong mga alternatibong pamamaraan upang mapababa ang high blood pressure bukod sa pag-inom ng gamot ay may mga pag-aaral na ang meditation, yoga, tai chi, exercise (katulad ng resistance training at aerobic exercise), at iba’t ibang pamamaraan upang mapababa ang stress ay epektibo upang bumaba ang blood pressure.


Bukod sa mga nabanggit ay may mga pagkain din na napatunayan na makatutulong sa pagbaba ng blood pressure. Ang halimbawa ay mga pagkain na mayaman sa potassium at lycopene.


Ang mga pagkain na mayaman sa potassium, na makatutulong sa pagbaba ng blood pressure ay saging, orange, spinach, broccoli, patatas, mushroom, peas at cucumber, bok choy at beets. 


Ayon sa mga pananaliksik, ang potassium sa mga nabanggit na prutas at gulay ay nakatutulong upang ma-relax ang ating puso at mga ugat kung saan dumadaloy ang ating dugo. Nakatutulong din ang potassium para mabalanse ang sodium levels at level ng fluids sa ating katawan, kaya’t ito ay nakakababa ng blood pressure.


Ang lycopene naman ay sangkap ng kamatis, papaya, watermelon, grape at mga peaches. Ayon sa mga pananaliksik, ang lycopene ay nagpapababa ng level angiotensin 2 sa pamamagitan ng pagpapababa ng level angiotensin converting enzyme. Ang angiotensin 2 ay nagpapasikip ng ating mga ugat kung saan dumadaloy ang ating dugo.


Kaya’t dahil sa pagbaba ng level ng angiotensin 2 ay bumababa ang blood pressure. 


Nakatutulong din ang lycopene sa pagbuo ng nitric oxide sa endothelium ng blood vessels. Ang endothelium ay ang lining ng mga ugat o blood vessels. Ang nitric oxide ay nagpapa-dilate ng blood vessels kaya’t nakakatulong ito upang bumaba ang blood pressure.


Ang pinakabagong pananaliksik sa epekto ng pagkain ng kamatis (tomatoes) sa high blood pressure ay ginawa sa ibang bansa at inilathala sa European Journal of Preventive Cardiology noong November 24, 2023. 


Ayon sa pananaliksik na ito, kung saan pinag-aralan ang mahigit sa pitong libong mga pasyente at mahigit 80 porsyento sa kanila ay may high blood pressure, malaki ang naitutulong ng pagkain ng kamatis at mga produkto na gawa sa kamatis sa pagbaba ng blood pressure. Batay din sa pag-aaral na ito, bumababa ng 36 porsyento ang risk na magkaroon ng high blood pressure at napapababa ang blood pressure ng mga taong may moderate o grade 1 hypertension.


Makakaapekto sa inyong blood pressure at sa dose ng maintenance na gamot sa high blood pressure ang inyong pagkain ng mga prutas at gulay na mayaman sa potassium at lycopene. Kumonsulta sa inyong doktor kung may plano kayong isama ang mga nabanggit na mga pagkain o supplement upang pababain ang inyong blood pressure. 


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. 

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page